PASIG, Philippines — Iginiit ni Sen. Bong Go sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na gawing kombinyente at komportable para sa mananakay ang bagong bukas na Pasig River Ferry Service.
Hiniling din ng senador sa mga ahensiya na patuloy na gawing malinis at kaaya-aya ang ilog-Pasig upang magarantiya ang ligtas at maayos na biyahe ng mga pasahero.
Binuhay ang Pasig River Ferry Service noong 2014 para makatulong sa mga pasahero dahil sa matinding traffic sa Metro Manila.
Noong April 2018, inaprubahan ni President Rodrigo Duterte ang panukalang ma-institutionalize ang Pasig River Ferry Convergence Program, kinabibilangan ng planong pagtatayo ng 17 pang istasyon para sa Pasig River ferry system sa susunod na apat na taon, mula sa kasalukuyang 12 istasyon.
Ang Pasig Ferry service ay pinatatakbo ng MMDA habang ang DPWH ang responsable sa dredging operations ng Pasig River.
Kaugnay nito, sinabi ni Go na isusulong niya na madagdagan pa ang bilang ng mga pampasaherong bangka sa Pasig.