MANILA, Philippines — Binalaan ng isang senadora ang pamahalaan na huwag ilimita sa bansang Iran at Iraq ang paghahanda ng evacuation para sa mga overseas Filipino workers sa patuloy na pagtaas ng tensyon sa rehiyon.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang mapatay ng Estados Unidos ang lider-militar ng Iran na si Qasem Soleimani at Iraq na si Abu Mahdi al-Muhandis sa pamamagitan ng air strike.
Habang ipinagluluksa ang pagkawala ni Soleimani, kapansin-pansing "Death to America" rin ang sigaw ng ilang nagtipon sa Ahvaz, Iran kung saan nakalagak ang katawan ng napatay.
"Hindi dapat tayo nakatali lang sa kung anong magiging kalagayan ng ating mga kababayan sa Iran at Iraq lamang," wika ni Sen. Imee Marcos sa isang pahayag, Lunes.
"Mas dapat natin bigyang pansin ang magiging kaligtasan ng milyon nating kababayang OFWs sa buong Middle East."
Ayon sa pamahalaan, mayroong 1,600 Pinoy sa Iran habang 6,000 naman ang nasa Iraq.
Lagpas kalahati aniya ng mga OFWs ang nagtratrabaho sa Gitnang Silangan, kasama ang 500,000 sa Saudi Arabia, 300,000 sa United Arab Emirates at mahigit 100,000 sa Qatar at Kuwait, batay sa 2018 survey ng Philippine Statistics Authority.
Sinasabing mahigit 30,000 Pinoy naman daw ang kasalukuyang naninirahan sa Israel.
Linggo nang tipunin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang iba't ibang opisyal ng security sector para maghanda ng "contingency measures" para masiguro ang kaligtasan ng mga Pinoy sa rehiyon.
Inutusan na rin ni Duterte ang mga ahensya ng pamahalaan na ihanda ang pagpapalikas ng mga Pilipino sa Gitnang Silangan kung sakaling tumindi pa ang away ng dalawang bansa.
Hinihingi na rin sa ngayon ng Iraq parliament na tuluyang mapaalis ang libu-libong tropang militar ng Estados Unidos doon kasunod ng mga kaganapan.
"Nakaamba ngayon ang mga retaliatory attacks sa mga lugar kung saan naroroon at malakas ang pwersa ng Estados Unidos, at ang masaklap nito, naroroon din sa mga bansang iyon ang libo-libo nating mga OFWs," dagdag ni Marcos.
Linggo nang tumama ang ilang rocket malapit sa Embahada ng Amerika sa high-security Green Zone ng Iraq ilang oras matapos ipatawag ng foreign ministry nila ang American ambassador bunsod ng strike.
Una nang sinabi ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na isa si Soleimani sa "pinakamahuhusay na heneral" ng modernong panahon, at hindi aniya siya isang terorista.
Matatandaang nag-trend sa social media ang mga katagang "#WorldWarThree" at "WWIII" kasunod ng insidente, bunsod ng magkahalong takot at pagbibiro ng publiko.
'Terorismo' ng Amerika binatikos
Samantala, hindi naman naiwasang batikusin ng iba't ibang progresibong grupo sa Pilipinas ang naging aksyon ng Estados Unidos.
Kanina, nagsagawa ng kilos-protesta ang iba't ibang sektor sa harap ng Estados Unidos upang tutulan ang isinasagawang oppensiba ni US President Donald Trump laban sa Iran.
"Ang aksyong ito ay nagpapakila lang ng terorismong imperyalista ng US at tahasang pagbalewala sa soberanya ng ibang bansa," sabi ni Bayan Muna. Rep. Carlos Zarate sa isang pahayag sa Inggles.
Paliwanag ni Zarate, ginagawa ito ni Trump upang mailihis ang mga isyung kinakaharap sa sariling bayan, habang naaapektuhan ang ekonomiya, pulitika at usaping militar ng buong mundo.
Kung lalala ang tensyon, inaasahan tuloy ng Bayan Muna na maaapektuhan ang Pilipinas sa mga sumusunod na paraan:
- OFW deployment ban sa rehiyon
- paglalagay sa panganib ng '2 milyong' OFWs
- pagbaba ng OFW remittances kung sila'y mapauuwi
- pagbaba sa GNP ng Pilipinas
- pagtaas ng presyo ng langis
- pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo
- pagtaas ng kahirapan
"Ang unilateralist na aksyon ng US ay maaari pa ngang magdulot ng mga dagdag na giyera at pagpapataas ng iringan sa rehiyon at iba pang lugar, kung saan may presensya o impluwensya ang US gaya ng Pilipinas," sabi pa ni Zarate.
Payo nila, dapat nang makialam ang international community upang maiwasan ang mga posibleng "disastrous consequences" para sa lahat.
Ayon naman sa College Editors Guild of the Philippines, sinadya raw talaga ni Trump na magpasimula ng gera upang mailayo ang usapin sa hinaharap na impeachment case at masiguro ang kanyang pagkapanalo sa November 2020 elections.
Binira rin ng CEGP ang pahayag ng Philippine National Police ngayong araw na mamanmanan nila ang mga grupong magbibigay ng simpatya kay Soleimani.
"Pinaaalalahanan ng Guild ang PNP na maging maingat sila sa pag-uugnay ng mga progresibong grupo sa mga terorista, lalo na yaong mga kumukundena lang sa pagkamatay ng kumander ng Iran sanhi ng imperyalistang agresyon ng US," sabi ng grupo sa isang pahayag.
Nanawagan din sila na tuluyan nang ibasura ang mga diumano'y 'di pantay na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos gaya ng Mutual Defense Treaty, Enhanced Defense Cooperation Agreement at Visiting Forces Agreement.