MANILA, Philippines — Pumalo na sa 25 katao ang nasawi sa paghambalos ng bagyong Ursula sa ilang bahagi ng Southern Tagalog, Bicol Region at pinakamatindi sa Visayas Region.
Sa report ni Police Regional Office (PRO) 6 Director Rene Pamuspusan at Office of Civil Defense (OCD) 6, 14 katao ang naitalang patay sa Western Visayas Region.
Siyam ang nasawi sa Iloilo na kinabibilangan ng limang miyembro ng isang pamilya sa Batad, tatlo sa Balasan at isa sa Carles; apat sa lalawigan ng Capiz na tig-isa sa mga bayan ng Pilar, Pontevedra, President Roxas, Mambusao at tig-isa rin mula sa mga bayan ng Malay at New Washington, Aklan.
Nawalan din ng supply ng kuryente sa malaking bahagi ng rehiyon matapos na mabuwal ang mga poste.
Matinding naapektuhan ng pagbaha ang mga lalawigan ng Iloilo, Capiz, Aklan, Negros habang marami ring mga kabahayan ang nawasak.
Sa bayan ng Carles kung saan matatagpuan ang Gigantes Island sa Iloilo ay apat na mangingisda ang kabilang sa mga nawawala. Ang nasabing isla kung saan tumama ang bagyo ay pinakagrabeng naapektuhan sa lalawigan.
Sa lakas ng ihip ng hangin ay natanggalan ng bubong ang Aklan Provincial Police Office (PPO) at nagtamo rin ng pinsala ang Kalibo airport bunsod upang makansela ang biyahe ng mga eroplano.
Iniulat naman ni Office of Civil Defense (OCD) Region 8 Director Nelson Cortez, pito na ang patay sa Eastern Samar na kinabibilangan ng apat sa bayan ng Guian at ang isa pa ay ang pulis na rescuer sa Abuyog, Leyte.
Isa naman ang iniulat na nasawi sa Cebu.
Nasa 10 naman katao ang nawawala at apat ang nasugatan sa Western at Eastern Visayas.
Iniulat naman ni MIMAROPA (Mindoro, Marinduqe, Romblon at Palawan Police spokesperson Lt. Col. Imelda Tolentino na tatlo ang nasawi sa bayan ng Bulalacao, Oriental Mindoro at apat ang nasugatan.
Naitala naman sa 35 lugar ang walang supply ng kuryente sa Occidental Mindoro at Oriental Mindoro.
Kaugnay nito, isinailalim na sa state of calamity ang San Jose, Occidental Mindoro.
Inaasahang magdedeklara rin ng parehong sitwasyon ang mga lokal na pamahalaan sa mga probinsiyang nasalanta ni Ursula.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang bagyong Ursula ay nakaapekto sa 12,364 pamilya o 58,420 katao mula sa MIMAROPA, Region V, Western Visayas at Eastern Visayas Region.
Sa latest monitoring ng PAGASA, posibleng sa Sabado ng umaga lalabas ng bansa ang bagyo.