Registry sa cellphone users vs unwanted calls, texts isinulong

Sa Senate Bill 1196 ni Sen. Lito Lapid, bagaman ipinagbabawal na sa ilalim ng cybercrime law ang pagpapadala ng unsolicited commercial communications, nagkakaroon naman ng problema sa pagpapatupad nito dahil kailangan pang i-report ng isang subscriber ang bawat insidente.
AFP

MANILA, Philippines — Isinusulong na sa Senado ang panukalang magkaroon ng registry ang mga may-ari ng cellphones na ayaw maistorbo ng mga unsolicited na mensahe at tawag.

Sa Senate Bill 1196 ni Sen. Lito Lapid, bagaman ipinagbabawal na sa ilalim ng cybercrime law ang pagpapadala ng unsolicited commercial communications, nagkakaroon naman ng problema sa pagpapatupad nito dahil kailangan pang i-report ng isang subscriber ang bawat insidente.

Sinabi ni Lapid na ang kanyang panukala ang sagot sa nasabing problema kung saan magkakaroon ng isang “Do Not Contact Registry” upang ang mga phone subscribers na ayaw maistorbo ay maaring magpatala.

Ang panukala kapag naging batas ay tatawaging “Do Not Contact Registry Act of 2019”.

Kapag naisama na ang numero ng isang subscriber sa nasabing registry, nangangahulugan na ayaw nitong makatanggap ng lahat ng uri ng marketing o commercial messages.

Ang isang telemarketer, promotional company at iba pang business entity ay dapat tiyakin na hindi kasama sa Registry ang papadalhan nila ng mga unsolicited na mensahe o tawag.

Aatasan din ang National Telecommunications Commission na magkaroon ng isang hotline, website at iba pang uri ng platform kung saan maaring tumawag ang mga nagrereklamo kapag naging batas ang panukala.

 

Show comments