146 artworks ng Marcoses pinasosoli ng Sandiganbayan

MANILA, Philippines — Pinababalik ng Sandiganbayan ang nabili umano ni dating pangulong Marcos at kanyang pamilya na 146 mamaha­ling painting ng iba’t ibang sikat na pintor.

Sa 42-pahinang partial summary judgment na inilabas ng anti-graft court, pinaboran nito ang gobyerno na kumpiskahin ang mga paintings na ilegal umanong nakuha.

Nakasaad pa sa de­sis­yon ng korte na wa­lang naipakitang sapat na batayan ang mga akusado para baliktarin ang alegasyon ng prosekusyon na ilegal ang pagkakabili ng mga paintings at artworks na nagkakahalaga ng US$24,325,500.

Idineklara ng korte na ilegal ang pagkakakuha o pagkakabili sa mga painting na hinahanap ng Presidential Commission on Good Government, Grandma Moses Paintings, artwork na nakalista sa A report on the Metropolitan Museum of Manila’s Art Collection, at iba pang artwork na nasa pangangasiwa ng kanilang mga kakilala, kaibigan, o sinumang tao na may kaugnayan sa pamilya Marcos.

Ipinag-utos din ng korte sa pamilya Marcos na huwag ibenta o ilipat ang pagmamay-ari ng mga ito, ideklara ang mga painting na nasa kanila, at isuko ang mga ito.

Show comments