MANILA, Philippines — Nag-viral sa Facebook ang pakikipagkita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang batang nagngangalang Jacob na may sakit na leukemia.
Sa post ng ina ng bata na si Johanne Bernice Guirgen Wong, sinabi niya na napaaga sa kanila ang Pasko ngayong taon at nagpasalamat siya sa Pangulo sa pagpapatuloy nito sa kanilang tahanan. Hindi binanggit sa post kung saang lugar nakatira ang bata at kailan dumalaw dito ang Punong Ehekutibo.
“Christmas came early this year. Thank you so much Mr. President for welcoming us in your humble home...” post ni Wong sa kanyang FB account kung saan may videos pa at litrato ng pagkikita ng Pangulo ng kanyang anak.
Sa isa sa mga videos, makikita ang pagpasok ng Pangulo sa loob ng bahay kung saan agad niyang pinuntahan si Jacob.
“Oy Jacob. Kaibigan ko ito. Magkaibigan man tayo, di ba?” sabi ng Pangulo habang pumapasok ng pinto.
Agad ding niyakap at hinalikan ng Pangulo ang noo ng bata.
Makikita naman sa isang video na binigyan ng Pangulo ng dalawang maliit na motorsiklo si Jacob at sinabihan na papasyal silang dalawa.
Umabot na sa 287,000 na views ang post ni Wong.
Napa-post din ang nasabing videos at mga larawan sa hiwalay na FB page na may titulong JACOB’s Faithful God.
Sa nasabing page, may video rin si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa kung saan binati niya ng Merry Christmas ang batang si Jacob.
Ipinakita rin sa iba pang videos ang masayang si Jacob na hindi pa rin natutulog, ayon sa ina, dahil sa pagdalaw ng Pangulo.