MANILA, Philippines — Binuhay sa Senado ang panukalang tanggalin ang value added tax (VAT) sa lahat ng mga prescriptive medicines.
Ayon kay Sen. Imee Marcos, malaking tulong kung tatanggalin ang tax sa mga inireresetang gamot lalo na at malabo pang maaprubahan ang panibagong Sin Tax Bill na magpopondo sa Universal Healthcare Law.
Nagpahayag din nang pagkabahala si Marcos sa posibilidad na hindi ma-manage ng maayos ang pondo ng Department of Health (DOH) matapos ma-expired ang mga biniling gamot.
Naniniwala rin si Marcos na hindi maayos na napapatakbo ang PhilHealth sa kabila ng natatanggap na pondo mula sa sin tax.
“Ang puno’t dulo ng lahat ng taxation na ito na tataas ang presyo sa beer, alcohol, gin pati na rin sa sigarilyo, ecigar, ang puno’t dulo nito pinopondohan natin ang UHC, ngayon problema lahat tayo nadidismaya sa Department of Health kasi ang katotohanan ang PhilHealth is so badly managed,” ani Marcos.
Mas magiging makatotohanan aniya at mas mararamdaman ng mga mamamayan kung maibaba ang presyo ng gamot kapag wala ng VAT.
“Kasi nakita natin doon sa TRAIN na tinanggal ang VAT sa mga cholesterol, diabetes, hypertension eh okay naman wala namang nangyari. Hindi naman bumagsak ang langit, ayos naman eh, mataas pa nga ang koleksyon,” giit pa nito.