MANILA, Philippines — Sapat ang bilang ng mga provincial bus na maghahatid-sundo sa inaasahang bulto ng mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang probinsiya ngayong holiday season.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bukod sa datihan na mga provincial buses na may mga ruta sa mga lalawigan ay may kabuuang 968 special permits pa ang takdang ipalabas ngayong panahon ng Kapaskuhan para sa posibleng pagtaas ng pasahero. Ayon kay Director Joel Bolano, hepe ng Technical Division ng LTFRB, ang pagkakaloob ng special permits ay alinsunod sa ‘Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2019’ na ikinasa ng ahensiya ngayong holiday season.
Anya, ang special permit na ipagkakaloob sa mga bus ay epektibo December 23, 2019 hanggang January 3, 2020 hanggang sa bumalik sa Metro Manila ang mga umuwing mga pasahero galing probinsiya. Sa 968 special permits para sa mga bus ay aabutin ng 581 units ang ruruta ng North Luzon, 189 units sa South Luzon, 127 units sa Bicol, 48 units sa Visayas at 23 units sa Mindanao.