MANILA, Philippines — Maaaring may kinalaman daw sa estilo ng pagbabalita ang mga panibagong banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin sa himpapawid ang ABS-CBN, lahad ng isang human rights group sa isang pahayag, Huwebes.
Martes nang muling tiyakin kasi ni Duterte na "mawawala" ang ABS-CBN pagsapit ng 2020 habang nagtatalumpati sa Malacañang.
"Ang inyong franchise mag-end next year. If you are expecting na ma-renew 'yan, I'm sorry. You're out. I will see to it that you're out," ani Digong.
Nakatakdang mapaso ang prangkisa ng kumpanya sa ika-30 ng Marso sa 2020, maliban na lang kung aprubahan ito ng Kongreso at ng presidente.
Palagay tuloy ni Carlos Conde, mananaliksik ng Asia division ng Human Rights Watch, pinag-iinitan uli ng presidente ang dos dahil sa kanilang "kritikal na pag-uulat" ng madugong gera kontra droga.
"Nag-ere't naglimbag ang himpilan ng mga award-winning reports sa extrajudicial killings ng libu-libong pinaghihinalaang adik at tulak ng droga ng pulis," sabi ni Conde sa Inggles.
Hindi rin nakalusot sa mata ng HRW ang diumano'y panggigipit ni Duterte sa online news site na Rappler, dahil din daw sa pagbabalita ng mga patayan.
Pag-aabuso sa kapangyarihan?
Dagdag pa ni Conde, inaabuso na raw ng pangulo ang kanyang regulatory powers upang mapaghigantihan lang ang ABS-CBN.
"[P]arte lang ito ng mas malawak na crackdown sa media outlets at civil society groups na nangangahas batikusin siya," sabi pa niya.
Dati nang inirehistro ni Duterte ang kanyang pagtutol sa francise renewal ng dambuhalang istasyon ng telebisyon matapos diumano hindi isaere ang kanyang mga patalastas para sa 2016 presidential elections kahit bayad na ito.
Mayo 2017 naman nang sabihin ni Duterte na magsasampa siya ng "multiple syndicated estafa" sa Kapamilya Network kaugnay ng isyu: "Kawalang hiya ninyo, kapal ng mukha ninyo, p******** ninyo leche kayo," galing niyang sambit noon sa Lungsod ng Davao.
Giit tuloy ni Duterte noong isang araw, hindi na magbabago ang kanyang desisyon.
"Ilan kaming mga kandidato na kinuha ninyo ang pera namin, but never aired our propaganda," sabi pa niya.
Cayetano: Magiging patas kami
Sa gitna ng kiskisan ng network at ng pinuno ng bansa, nangako naman ang pamunuan ng Kamara na magiging patas sila sa pagtalakay ng panukalang batas na magpapalawig sa prangkisa ng channel.
"Inuulit ko na magiging patas ang Kongreso. Lagi kaming magkakaroon ng patas na pagdinig," sabi ni House Speaker Alan Peter-Cayetano kahapon sa press.
Pero dahil pantay-pantay daw ang pagturing nila sa lahat ng nakasalang na bill, baka sa 2020 na raw nila ito maasikaso.
"Alam naman 'to din ng management ng ABS-CBN na inuna namin 'yung budget at saka mga revenue bills," sabi pa ni Cayetano.
Sa kabila nito, sapat pa naman daw ang oras na nalalabi para mahimay-himay nila ito sa Enero hanggang Marso.
Sinasabi ito ni Cayetano kahit na tumakbo siya para sa pagkabise presidente kasama si Duterte noong 2016.
Kaugnay niyan, nananawagan tuloy ang HRW sa lahat ng mambabatas na pumalag sa pagsusumikap ni Duterte na maipasara ang kumpanya.
"Masaklaw ang mga implikasyon sa kalayaan sa pamamahayag, karapatang pantao at demokrasya ng Pilipinas kung pagbibigyan ang nais ng mapaghiganting pangulo," panapos ni Conde.