BULACAN, Philippines — Naging magarbo kahapon ang pagbubukas ng 30th Southeast Asian Games kung saan dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine Arena na itinuturing na pinakamalaking indoor arena sa buong mundo.
Dakong alas-6:30 ng gabi ng dumating ang Pangulo sakay ng isang helicopter na dumiretso sa Bulacan matapos mag-alay ng bulaklak sa bantayog ni Andres Bonifacio sa Caloocan City na ginunita rin kahapon ang ika-156 na kapanganakan.
Nakatabi ng Pangulo si Sultan Haji Hassanal Bolkiah ng Brunei na bumisita rin sa kanya sa Malacañang kung saan nagkaroon sila ng bilateral meeting ilang oras bago ang pormal na pagsisimula ng SEA Games.
Kalahok sa SEA Games ang anak ni Bolkia na si Prince Abdul Mateen sa larong polo.
Matapos ang ilang intermission numbers, isinagawa ang tradisyunal na parada ng mga atleta ng mga kalahok na bansa.
Naging standing ovation at kasama sa mga tumayo sina Duterte at Bolkiah nang pumarada ang mga atletang Pinoy habang kinakanta ang “Manila” ng grupong Hotdog.
Napapasayaw din ang Pangulo at kumakaway sa mga tao habang isinasagawa ang parada ng mga atleta ng Pilipinas.
Dalawang linggo magtatagal ang palaro na ginaganap sa iba’t ibang lugar sa Luzon kabilang ang New Clark City sa Capaz, Tarlac.
Ang Team Philippines ay pinangunahan ni 2020 Olympic pole-vaulter EJ Obiena, 2016 Olympic silver medalist Hidilyn Diaz at Asian Games champion Margielyn Didal.
Si Lani Misalucha ang kumanta ng Pambansang Awit, samantala nagtanghal din si Apl.de.Ap ng Black Eyed Peas.
Nasa 5,000 atleta ang kalahok sa SEAG na nagmula sa 11 bansa at maglalaban-laban sa nasa 300 events sa 56 na sports.