MANILA, Philippines — Umiskor ang tropa ng militar matapos mapaslang ang liaison officer ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na si Talha Jumsah alyas “Abu Talha” sa gitna ng bakbakan sa 1st Scout Ranger Battalion sa Brgy. Tanum, Patikul, Sulu.
Ayon kay AFP-Joint Task Force Sulu spokesman Lt. Col. Gerald Monfort, ang bangkay ni Talha ay narekober may 800 metro ang layo mula sa encounter site bandang alas-8:30 ng umaga nitong Sabado sa isinagawang clearing operations ng tropa ng mga sundalo.
Bandang alas-7:15 ng umaga ng i-tip ng ilang mga residente sa elite troops ng 1st SRB ang presensiya ni Talha sa nasabing lugar.
Agad nagresponde ang tropa ng militar at dito’y sinalubong ang mga ito ng pagpapaulan ng bala ni Talha na tumangging sumurender.
Bunga nito, nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig kung saan nasapul ng bala si Talha na nagtago sa masukal na bahagi ng kagubatan.
Si Abu Talha ay isang high-value target ng AFP sa Sulu at siya ay ISIS-trained IED expert na nagsilbing instructor sa ASG sa paggawa ng mga mas nakamamatay at mapaminsalang IEDs na ginamit sa suicide bombings sa Sulu.
Nagsilbi rin siyang finance conduit at liaison sa pagitan ng foreign and local terrorist communication lines.?
Inihayag naman ni JTF Sulu Commander Major Gen. Corleto Vinluan Jr., na dumanas ng panibagong dagok ang mga bandido at demoralisasyon sa pagkakapatay kay Talha sa military operations.
Kasabay nito, binalaan ng opisyal ang nalalabi pang mga bandido na mas makabubuting magsisuko sa batas dahil hindi sila tatantanan ng militar hanggang hindi nalilipol upang matuldukan na ang terorismong inihahasik ng mga ito.