‘Trust is earned’ - Palasyo
Sagot kina Leni at Noy
MANILA, Philippines – Binuweltahan kahapon ng Malakanyang sina Vice President Leni Robredo at kaalyado nitong si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na kumuwestiyon sa pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Robredo gayong wala itong tiwala sa Pangalawang Pangulo.
“Trust is earned. The missteps of the vice president did not inspire confidence in the matter of keeping to oneself classified information,” ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Naunang inamin ng Presidente na hindi niya mapagkakatiwalaan si Robredo makaraang makagawa ito ng mga maling hakbang sa unang dalawang linggong panunungkulan nito bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ang nalilitong si Robredo ay naunang nagsaad na dapat diretsuhin sa kanya ng Presidente kung nais nitong bawiin ang appointment niya.
Sinabi naman ni Aquino na mahalaga ang pagtitiwala sa pagtatalaga ng isang tao sa isang puwesto sa pamahalaan.
“Pwede ba ‘yung itatalaga mo pero hindi mo pagkakatiwalaan? Medyo magulo yata,” sabi ni Aquino.
Pero ipinaalala ni Panelo kay Aquino na lumubha umano ang problema ng droga sa bansa noong panahon ng administrasyon nito.
“Lest we forget, the drug problem ballooned in magnitude in his time, obviously due to his neglect in countering this evil that is putting this country into the precipice of a generational destruction,” wika niya.
Hinikayat ni Panelo si Aquino na tutukan na lang ang kaso nito sa Sandiganbayan at pangalagaan ang kalusugan kaysa makisawsaw sa mga bagay kaugnay sa problema sa droga na hindi binigyang-pansin sa anim na taong pamumuno nito.
- Latest