‘Katiwalian’ sa Tesda hinging silipin ni Digong

MANILA, Philippines – Nanawagan ang ilang grupo kay Pangulong Rodrigo Duterte na busisiin ang umano’y katiwalian sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Sa dalawang pahinang liham na ipinadala ng mga nagpakilalang concerned citizens, binanggit ng grupo na si TESDA Isidro Lapeña na pinuno umano ng TESDA Secretariat at miyembro ng TESDA Board ay siya ring chairperson ng TESDA Board na dapat ay nabibilang lang sa Kalihim ng Department of Labor and Employment.

Bukod dito, si Lapeña din umano ang tumata­yong pinuno ng Head of Procurement Agency (HoPE) ng TESDA kung saan mayroong absolute power at control sa ahensiya na umano’y lantad sa pang-aabuso.

Dahil umano sa nasabing mga kapangyarihan kaya sunud-sunod ang umano’y pang-aabuso kabilang dito ang pag-iisyu ng memorandum para sa failure of bidding sa kabila na nadetermina na ang nanalong bidder sa procurement process.

Ginawa rin umanong centralized at solong kapangyarihan ang paglalabas at pagbabayad ng claims sa Technical Vocational Institutions (TVIs) and training centers dahilan para magkaroon ng delay sa pag-produced ng mga skilled workers.

Nagresulta rin umano ito sa pagkabigong makapag-deliver ng starter toolkits para sa 2018 Special Training for Employment Program (STEP) at 2019 starter toolkits para sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act  (UAQTEA).

Inaangal din ng grupo ang pagmamalabis umano ni Lapeña sa ilang Provincial at Regional Directors ng TESDA kaya napipilitan silang magbitiw sa puwesto dahil sa sobrang kahihiyan na dinadanas nila kung saan pinagsisigawan sila kahit sa harap ng maraming tao.

 

Show comments