MANILA, Philippines — Kinuwestiyon kahapon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang paglalaan ng gobyerno ng P55 milyon para sa isang kaldero o cauldron na gagamitin sa torch lighting ceremony sa Southeast Asian Games ngayon 2019.
Ayon kay Drilon, ang nasabing halaga ay maaari nang magamit sa pagtatayo ng 50 silid aralan.
“We do away with 50 classrooms to build a P50-million kaldero that we use only once? I am not even talking about overpricing. I’m talking about propriety,” sabi ni Drilon.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang pondo ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), ipinaliwanag ni BCDA head Vince Dizon na ang konstruksyon ng cauldron ay magiging simbolo ng Pilipinas sa SEA Games.
Ang nagdisenyo ng nasabing kaldero ay ang namayapang Filipino architect na si Francisco “Bobby” Mañosa.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, ang design cost ay umabot sa P4.4 milyon samantalang ang pundasyon ng kaldero ay P13.4 milyon. Ang pagtatayo naman ay umabot sa P32 milyon.
Sabi pa ni Angara na nais ng gobyerno na maging kapuri-puring host ng games ang Pilipinas at maipakita ang “ingenuity” at creative designers ng bansa.