'Improved version' ng Oplan Tokhang bubuuin ng ICAD — Robredo
MANILA, Philippines — Pinag-uusupan na ngayon ng Law Enforcemnt Cluster ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs na bigyan ng panibagong mukha, o "re-branding," ang ngayo'y madugong kampanya kontra iligal na droga ng gobyerno, pagbabahagi ni Bise Presidente Leni Robredo sa media, Huwebes ng hapon.
Sa isang media briefing Huwebes ng hapon, sinabi ni ICAD co-chair Robredo kina Philippine National Police officer-in-charge Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa at iba pang mga opisyal na dapat nang pag-isipang muli kung tama pa ba ang implementasyon ng Oplan Tokhang.
"'Pag sinabi mong na-Tokhang, hindi maganda 'yung connotation. Agree naman sila," wika ng ikalawang pangulo.
"And they promised to assess, and come up with an improved version of what we already have."
Tumutukoy ang Tokhang sa pagbabahay-bahay at pagkatok ng mga otoridad sa bahay ng mga pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng droga para sumuko at magpa-rehabilitate.
Sa kabila nito, naikabit na ito ng marami sa kaliwa't kanang pagpatay sa mga drug suspects, kung saan damay pati ang ilang inosente.
Ayon kay Robredo, maganda raw sana ang pagkakalatag ng anti-illegal drug campaign na Project: Double Barrel, pero "obviously 'yung gaps dahil nagkaroon ng abuses on how it was implemented... 'yun 'yung ini-raise ko sa kanila."
Bahagi ng Double Barrel ang tokhang, na hango sa salitang Bisaya na "Toktok-Hangyo, maliban sa Project HVT (High value Target).
Isang kritiko ng war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte, na kumitil na sa buhay ng 6,847 katao ayon sa PNP noong Agosto, tinanggap ni Robredo ang alok ng presidente na maging "drug czar" sa layuning masugpo ang droga habang naiiwasan ang 'di kinakailangang pagpaslang.
"[T]hey agreed na panahon [na] para ire-assess 'yung paano siya mas makaka-evoke na kampanya ito hindi against sa tao, kung hindi kampanya ito ng tao," dagdag niya.
'Optimistiko, 'di nagsisisihan'
Sa kabila ng magkaibang pananaw nila ng presidente pagdating sa approach sa war on drugs, sinabi ni Robredo na produktibo naman daw ang kinalabasan naging pag-uusap ng ICAD cluster sa ngayon.
"'Yung pinag-usapan na issues ngayon, mas forward-looking. Hindi ito 'yung issues na nagsisisihan, pero ginagamit 'yung issues para planuhin kung ano 'yung next na gagawin," paliwanag niya.
Una nang iginiit ng Palasyo na dapat suportahan si Robredo sa bago niyang estilo ng pamamahala, at 'wag hadlangan sa kanyang trabaho.
"Hayaan nating magtrabaho ang ginang, suportahan natin," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo.
"Huwag natin isipin na mabibigo siya."
Sa kabila nito, sinabi naman ni Sen. Christopher "Bong" Go, na dating aide ni Duterte, na hindi iimbitahan sa pulong ng Gabinete si Robredo kung 'di pag-uusapan ang droga.
3 kailangan daw repormahin
Sa kanilang pulong, sinabi ng bise may tatlong lumalabas na kailangang asikasuhin sa ngayon upang maplantsa ang kampanya.
Ilan dito ay ang pagkakaroon ng malinaw na baselines, ikawala ang pagtatasa kung nasaan na ang kampanya at ikatlo ang pagkakaroon ng "common metrics" para sa lahat.
Aniya, mahalaga ang pagkakaroon ng baseline dahil doon daw masusukat ang mga tagumpay at paghahalawan kung epektibo nga ba ang pamamaraang ginagawa sa kasalukuyan.
"'Yun hinihingi natin na baseline, magsisimula roon sa listahan. Doon sa mga listahan bang pinagsimulan noong 2016, ilan doon 'yung nag-surrender, ilan doon 'yung arrested? Of those surrenderers at arrested, ano 'yung disposisyon sa kanila?" kanyang patuloy.
Nais din daw niyang malaman kung ilan na sa mga nabanggit ang pormal nang nakasuhan, ano ang estado ng kaso at kung ilan na ang iminumungkahi para sa rehabilitasyon.
Tatlo raw kasi ang uri ng mga isinasailalim sa rehab:
- mild-abusers (community-based rehab)
- moderate users (outpatient rehab)
- severe (inpatient rehab)
Problema raw kasi sa ngayon ng Department of Health ang inpatient rehabilitation dahil naghahalo raw ang mga drug users at pushers sa iisang center, dahilan para magkaroon sila ng "bagong networks."
"Pinag-usapan din 'yung difficulty ng mga agency sa pagprevent ng pagpasok ng supply dito [ng droga mula sa ibang bansa]... 'Yung kakulangan sa equipment, kakulangan sa x-ray, kakulangan sa capability," sabi pa ni Robredo.
Sa ngayon, nais din daw niyang gawing mas "outcome oriented" ang Philippine Anti-Drug Strategy.
Pagbabahagi niya, karamihan daw kasi sa 81 na indicators ay pawang mga activity-centered.
Mas mainam din daw na magtala ng short-term at medium-term goals ang ICAD upang mas maging "achievable" ang nais gawin ng gobyerno, kaysa sabihin na magiging drug-free ang Pilipinas pagsapit ng 2022.
Kung maaari raw, gawing quartely ang batayan upang makamit nila ang mga layon.
"Very optimistic ako na kapag naayos 'yung pagka-synchronize ng mga trabaho, 'pag nabigyan ng kaukulang support ng national government, 'pag sineryoso ng lahat at naramdaman na laban natin ito ng lahat, we will be able to make a lot of headway."
- Latest