Pagkamatay ng PMA cadet sa pool walang ‘foul play’ – PNP
MANILA, Philippines — Walang “foul play” sa pagkamatay ng isa pang kadete ng Philippine Military Academy sa Baguio City kamakalawa, ayon sa isang opisyal ng pulisya kahapon.
Sinabi ni Baguio City Police Director Col. Allen Rae Co na walang palatandaan na sinadya ang pagkamatay ni Cadet Fourth Class Mario Telan Jr. at maaaring aksidente ang naganap na pagkalunod nito.
Si Telan ay nadiskubre ng kaklase nito na wala nang buhay habang nakalutang sa 15-talampakang swimming pool sa loob ng PMA pasado alas-11 ng tanghali kamakalawa o ilang oras matapos siyang dumalo ng kanyang swimming class.
Ang kadete ay kabilang sa kaklase ng napaslang sa hazing at torture na si Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio noong Setyembre 18.
Ayon naman kay Capt. Cheryl Tindog, PMA spokesperson, ginawa nila ang lahat para masagip ang buhay ni Telan pero idineklarang dead-on-arrival sa PMA Station Hospital.
Sa kasalukuyan, iniimbestigahan ng PMA ang dalawang instruktor na hindi pa malaman ang pangalan, ayon kay Tindog.
Sinabi naman ni Baguio City police director Police Colonel Allen Rae Co na ang insidente ay bunsod umano ng kapabayaan ng mga swimming instructor dahil sa pagkabigong subaybayang mabuti at tiyakin ang kaligtasan ng mga kadete. Malamang anyang kasuhan ang mga instruktor.
- Latest