Bagyong Quiel nasa PAR na, magiging tropical storm sa loob ng 24 oras

Kaninang alas-diyes ng umaga, nakita ang bagyong Quiel 540 kilometro kanluran timogkanluran ng Iba, Zambales, at may taglay na hanging 45 kilometro kada oras malapit sa gitna.
Released/PAGASA

MANILA, Philippines — Ganap nang nakapasok ng Philippine Area of Responsibility ang Tropical Depression Quiel, na namataan sa kanluran ng Pilipinas.

Sa taya ng PAGASA ngayong Martes, tumawid ito papasok ng PAR bandang alas-otso ng umaga.

Kaninang alas-diyes ng umaga, nakita ang bagyong Quiel 540 kilometro kanluran timogkanluran ng Iba, Zambales, at may taglay na hanging 45 kilometro kada oras malapit sa gitna.

May dala naman itong bugso na aabot ng hanggang 55 kilometro kada oras.

"Posible ring maging tropical storm itong bagyong si Quiel habang nasa loob pa ng ating Area of Responsibility," ani Chris Perez, senior weather specialist ng PAGASA.

Kumikilos ang bagyo sa direksyong silangan hilagang silangan sa bilis na 10 kilometro kada oras, ngunit hindi nakikitang tatama sa kalupaan.

Mula ngayong umaga hanggang bukas ng umaga, magdadala ng katamtaman hanggang paminsan-minsang malalakas na pag-ulan ang bagyo, sa tulong na rin ng Frontal System, sa "Hilagang Luzon, ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at ang Cagayan Valley, ganoon din sa lalawigan ng Zambales at Bataan," dagdag ni Perez.

"Maaaring dumanas ng mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa mga probinsya ng Mindoro at Palawan," ayon sa PAGASA sa Inggles.

Samantala, tuloy-tuloy pa ring umiiral ang Hanging Amihan ang umiiral sa may Northern Luzon.

Show comments