MANILA, Philippines — Tumama ang isang buhawi sa Marawi City, Lanao del Sur dahilan para mapinsala ang ilang gusali, Lunes ng hapon.
Sa ulat ng ABS-CBN, sinabing rumagasa ang malakas na hangin sa ilang kabahayan at munisipyo ng lungsod.
Ang pangyayari, kinumpirma na rin ng pamahalaang panlalawigan ng Lanao del Sur.
Sa ilang video na ipinaskil ng mga netizens, makikita pa kung paanong nagsitakbuhan sa takot ang mga tao.
Nakita rin ang sa Facebook livestream ng ilan ang paglipad ng ilang yero at pagdilim ng kalangitan habang nangyayari ang mga bayolenteng eksena.
Ayon sa PAGASA, ang buhawi, o "tornado," ay isang marahas na pag-ikot ng hangin mula sa ilalim ng ulap na umaabot hanggang kalupaan. Sa ibang mga lugar ay tinatawag itong "violent thundersquall."
Wala pa namang naitatalang casualty ang insidente sa ngayon.
Nangyayari ang lahat ng ito isang linggo matapos ang sunud-sunod na lindol at aftershocks sa malaking bahagi ng Mindanao, kabilang ang magnitude 6.6 at 6.5 na lindol. — James Relativo