Pagkikibit-balikat ni Panelo sa bagong Panatag Shoal 'harassment' kinastigo

Ayon sa mga Pilipinong crew ng "Green Aura," ika-30 ng Setyembre nang radyohan, harangan at buntutan sila ng Chinese Coast Guard para lumayo sa Panatag (Scarborough) Shoal.
AMTI

MANILA, Philippines — Hindi nagustuhan ng ilang pulitiko at eksperto ang tabas ng dila ni presidential spokesperson Salvador Panelo patungkol sa panibagong insidente ng panggigipit daw ng mga Tsino sa mga Pilipino sa West Philippine Sea.

"Walang pakialam ang bansa kahit na hinarangan ng mga Tsino ang Liberian ship na naglalayag sa [exclusive economic zone] ng Pilipinas?" sabi ni Sen. Panfilo Lacson sa isang tweet, Lunes sa Inggles.

"Mukhang mas dapat tayong mabahala sa Malacañang official na nagsabi niyan."

Kapitan Ebora ng 'Green Aura'

Ayon kay Manolo Ebora, Pilipinong kapitan ng Greek-owned, Liberia-registered oil tanker na "Green Aura," ika-30 ng Setyembre nang patungo sila ng Tsina mula Thailand nang makatanggap ng radio signal mula sa isang Chinese warship.

Inutusan daw sina Ebora ng Chinese ship na manatili 10 nautical miles mula sa pinag-aagawang shoal, at baguhin ang direksyon.

Hindi nila ito sinunuod, hanggang lapitan na raw sila ng isang Chinese warship para humarang kahit na iginiit nila ang "innocent passage" sa lugar.

Nagpakilala ang mga lumapit bilang Chinese Coast Guard at sinabing sila ang may jurisdiction sa pinag-aagawang katubigan.

Kahit panay Pilipino ang crew ng Liberan ship na tinaboy diumano ng mga Tsino, sinabi ni Panelo kahapon na hindi ito pakikialaman ng gobyerno.

"Hindi natin 'yan concern dahil hindi [sila nakasakay sa] Philippine vessel," wika ng tagapagsalita ng presidente noong Linggo sa isang press briefing.

"Hangga't wala silang hinahawakang bangkang Pinoy, problema 'yan ng bansang nakalagay sa watawat ng vessel."

Matagal nang nababatikos ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kanyang diumano'y malambot na paghawak sa agawan sa West Philippine Sea, kahit na in-award na ito sa Pilipinas noong 2016.

Ang Panatag Shoal, na kilala rin sa tawag na Scarborough Shoal, ay  120 nautical miles kanluran ng Luzon.

Saklaw ng EEZ ng Pilipinas ang mga nasa loob ng 200 nautical miles, ngunit kontrolado ng Tsina ang Panatag simula noong 2012.

'Panelo huwag nang magsalita'

Hindi rin napigilan ni Jay Batongbacal, direktor ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, na magkomento sa mga pinakawalang salita ni Panelo.

Sa isang serye ng mga paskil sa social media, galit na binira ng propesor ang spokesperson ni Duterte.

"Maling-mali ito... Kailan ba may titigil kay Panelo na magsalita pagdating sa foreign policy?" sabi ni Batongbacal.

"Maihahalintulad 'to sa taong walang pakialam na ibang personalidad ang namamahala ng bahay niya. Nagkukunwari ang nahuli na kanya 'yon at iginigiit sa iba na siya ang totoong may-ari."

'Pagyakap sa claim ng China'

Dagdag pa niya, ang ganitong katahimikan ni Panelo ay tila pagyakap sa claim ng Tsina nang walang pagtutol.

Kahit mga Griyego raw ang may ari ng barko na sinasakyan ng mga Pilipino, dapat ay pakialam daw ang Pilipinas dahil nakaasa raw ang bansa sa padaigdigang kalakalan.

"Nasa 101 barko lang ang nakarehistrong may watawat ng Pilipnas. Ang international trade natin ay dala ng foreign ships tulad ng isang ito," sabi niya pa.

Ang kalayaan daw sa paglalayag ay mahalaga para sa lahat ng maritime trading nations, lalo na sa mga arkipelagong estado tulad ng Pilipinas.

Kaiba sa internal waters sa loob ng territorial waters, pinahihintulutan ang innocent passage sa mga EEZ.

Tanging soberanyang karapatan sa mga likas-yaman sa ilalim ng tubig ang ibinibigay ng EEZ.

"Hinaharangan ng aksyon ng Tsina ang kalayaang 'yan, at kapag tumagal magiging banta 'yan sa maritime interest ng Pilipinas," paliwanag ni Batongbacal.

Una nang ipinangako ng Tsina na pananatilihin nila ang freedom of navigation sa South China Sea, mga napag-usapan sa United Nations Convention on the Law of the Sea at international law.

Ang nangyari raw ay tahasang paglabag sa mga pandaigdigang batas pagdating sa innocent passage right at International Regulations for Preventing Collisions at Sea 1972 (COLREGs).

Show comments