MANILA, Philippines — Dahilan sa kawalan ng sapat na ebidensya, ibinasura ng Sandiganbayan 2nd division ang mga kasong graft at technical malversation laban kay dating PNP comptroller Eliseo dela Paz at sa mga tinaguriang “Euro generals”.
Ang kaso ay kaugnay sa umano’y paggamit ng P10 million intelligence fund bilang contingency fund at travel allowance sa pagdalo sa Interpol conference sa Russia noong 2008.
Sa 55 pahinang kautusan ng anti-graft court, na ang ginamit na ebidensya ng prosekusyon na circular ng Commission on Audit ay nagpapakita na hindi tamang ginamit sa Russia trip ang intel fund nina dela Paz, at iba pang heneral na sina Jaime Garcia Caringal, Ismael Rafanan, Orlando Pestaño, Samuel Rodriguez, Tomas Rentoy, Romeo Ricardo, German Doria at Emmanuel Carta.
Matatandaan na ang pera ay natagpuan kay dela Paz at kanyang mga kasama noong pauwi na mula sa Russia Interpol Conference.
“Technical malversation happens when the one who uses the funds under his administration for public use other than what it was appropriated for. These pieces of evidence [from COA] do not prove that the use of CIF (confidential and intelligence funds) for the expenses incurred by the PNP in its participation to the Interpol Assembly is not a covered expense,” nakasaad pa sa desisyon ng Sandiganbayan.
Dahil dito kaya inalis na rin nito ang Hold Departure laban sa mga akusado at ipinag-utos ang agarang paglabas ng kanilang bail bonds.