MANILA, Philippines — Naghain na ng kanyang counter-affidavit with motion to dismiss sa Department of Justice si dating Sen. Antonio Trillanes laban sa inihaing kidnapping case sa kanya ng negosyanteng si Guillermina Lalic Barrido.
Itinatatwa niyang idinitena niya si Barrido sa Convent of Cannussian Sisters sa Makati City at Holy Spirit Convent sa Quezon City mula ika-6 hanggang ika-21 ng Disyembre 2016 para piliting lumagda sa affidavit na sisira diumano sa reputasyon ni Duterte.
Aniya, imposibleng kinidnap nila si Barrido noong 2016 dahil 2019 lang daw niya unang nakaharap ang nag-aakusa sa kanya.
"[B]ago noong aksidenteng nakita ko siya noong ika-5 ng Setyembre 2019 sa DOJ Compound, ni minsan hindi ko pa nakita o nakausap si G. Barrido nang harapan, at hindi ko pa siya nakausap kahit sa telepono," sabi niya sa Inggles.
Maliban dito, tinangka rin ni Trillanes na kwestyonin ang kredibilidad ni Barrido, na kilalang taga-Davao katulad ni Digong.
"Klarong paulit-ulit nagsinungaling si G. Barrido sa mga ebidensyang isinumite, pati sa mga iba pang testimonya't ebidensyang nakatala... sa kanyang sinumpaang salaysay, hindi siya pwedeng tumestigo," sabi ni Trillanes.
Matatandaang ipinatawag si Trillanes ng DOJ nitong Setyembre dahil sa diumano'y paglabag niya sa Article 267 ng Revised Penal Code, o "kidnapping and serious illegal detention."
Maliban kay Trillanes, kasama rin sa mga akusado ang abogadong si Jude Sabio, paring si Albert Alejo at isang "sister Ling."
Nakangiti kahit kinidnap?
Sa mga isinumiteng litrato rin daw ni Barrido, na ginamit niyang ebidensya ng kanyang pagkakidnap, ipinagtataka niya kung bakit tila masaya pa siya sa mga ito.
"[S]a halos lahat ng mga litrato, parang nakangiti at galak na galak pa sina G. Barrido at kanyang mga kasamahan," patuloy ni Trillanes.
"Halatang hindi ito normal na mga imahe at pag-uugali ng isang taong 'dini-detain' labag sa kanyang kalooban o 'kinikidnap,' maliban na lang kung masasabi ni Ms. Barrido na masaya siyang naka-detain."
Sa kanyang pahayag noong ika-5 ng Agosto, sinabi ni Barrido na trinato siyang preso nina Trillanes, Alejo, Ling at Sabio sa kumbento matapos sunduin sa General Santos City noong Disyembre 2016.
Sa kabila nito, walang lugar na nagngangalang "Convent of the Cannusian Sisters" sa complaint na inihain sa Criminal Investigation and Detection Group.
Gayunpaman, merong "Canossian Daughters of Charity" sa Maynila.
Maliban sa reklamo kontra Trillanes, lumabas din si Barrido sa iba pang mga kaso na kinasangkutan ng iba pang mga opisyales ng gobyerno.
Noong 2010, sinabi ni Barrido na may kaalaman siya sa isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency na "prumutekta" diumano kay Joavan Fernandez, anak ng dating alkalde na si Talisay City Mayor Socrates Fernandez.
Sa reklamong sedisyon na inihain laban kina Bise Presidente Leni Robredo at 37 iba pa, kasama sina Barrido at isang Perfecto Tagalog sa mga nag-aakusa kay Trillanes sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon laban kay Duterte.
"[M]aliban sa pakikisama sa mga drug lords at pagiging drug-user din, makikitang nagsisinungaling ang nagpaparatang sa amin pagdating sa mga material matter, maliban sa.... pagiging remorseless serial liar at perjurer of the truth," wika ni Trillanes.