Albayalde isinama sa 13 'ninja cops' na sinampahan ng kaso sa DOJ

Kaugnay pa rin ito ng multi-million peso drug raid ng PNP sa Pampanga noong 2013 na plinano diumano i-recycle.
File

MANILA, Philippines —  Bagama't nagbitiw sa pwesto bilang hepe ng Philippine National Police, hindi nakaligtas si General Oscar Albayalde sa mga sinampahan ng reklamo sa isyu ng "ninja cops."

Kaugnay pa rin ito ng multi-million peso drug raid ng PNP sa Pampanga noong 2013 na plinano diumano i-recycle.

Narito ang mga pangalan :

  1. Police General Oscar David Albayalde
  2. PSupt. Rodney Raymundo Louie Juico Baloyo IV 
  3. PSInsp. Joven Bognot de Guzman Jr.
  4. SPO1 Jules Lacap Maiago
  5. SPO1 Donald Castro Roque
  6. SPO1 Ronald Bayas Santos
  7. SPO1 Rommel Munoz Vital
  8. SPO1 Alcindor Mangiduyos Tinio
  9. SPO1 Dante Mercado Dizon
  10. SPO1 Eligio Dayos Valeroso
  11. PO3 Dindo Singian Dizon
  12. PO3 Gilbert Angeles de Vera
  13. PO3 Romeo Encarnacion Guerrero Jr.
  14. PO2 Anthony Loleng Lacsamana

"Ang Philippine National Police, bilang complainant, ay naglalayong maiwasan ang anumang pag-iimpluwensya, sabwatan at kampihan na maaaring maipaabot sa mga nasabing police officers bilang resulta ng pagkikilanlan sa local prosecution office," ayon sa reklamong isinumite ng PNP sa Department of Justice sa Inggles.

Haharap ang mga sumusunod sa mga aksyong ligal at imbestigasyon kaugnay ng diumano'y paglabag sa section 27, 29, 32 at 92 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Durgs Act of 2002.

Haharap din sila sa kasong paglabag sa Section 3(a) at (e) ng RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Article 211-A ng Revised Penal Code o Qualified Bribery, Art. 171 ng RPC o Falsification of Public Documents, Art. 183 ng RPC o Perjury in Solemn Oaths at Art. 208 ng RPC para sa Dereliction of Duty.

"[N]apakasensitibo ng kaso lalo na't ang mga respondent ay police officers at personnel at humihingi ng mas strikto at ekspiryensyadong mga prosecutor para humawak nito," dagdag ng dokumento.

Una nang sinabi ng dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group na nangikil ng P50 milyon ang mga pulis sa diumano'y drug lord na si Johnson Lee noon kapalit ng kanyang kalayaan nang ginawa ang operasyon.

Noong Biyernes, sinabi naman ni Sen. Richard Gordon na imposibleng hindi alam ni Albayalde ang mga detalye ng 2013 drug raid dahil tauhan niya ang mga sangkot.

Tinawag din niyang "hulidap," o "huli tapos holdap" talaga ang pakay ng nangyari.

Matatandaang sinabi rin ng hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency na si Aaron Aquino na tinawagan siya ni Albayalde para hindi ipatupad ang dismissal order laban sa 13.

3-buwang probation

Samantala, inilagay naman ng PNP ang lahat ng mga susing opsiyal nito sa probation sa loob ng tatlong buwan.

'Yan ang ibinahagi ni Lt. Gen. Archie Gamboa ngayong Lunes.

"Simula ngayon, lahat ng key positions ay naka-probation ng tatlong buwan at ipagpapaliban muna ang lahat ng promotion," ani Gamboa sa isang briefing.

Sa command conference ng Palasyo noong nakaraang linggo, iniutos daw ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng balasahan sa mga kumander nito sa gitna ng isyu sa mga ninja cops.

"Niyanig ng mga pinakabagong kontrobersiya ang PNP sa kaibuturan nito. Hindi lang nito ginalit ang presidente ngunit nakapagbigay ito ng duda sa kanya sa ating kapasidad na maglingkod at magprotekta," dagdag ng PNP OIC.

Sinabi rin ni Gamboa na tatlo sa 13 na sangkot sa isyu sa Pampanga ay dinismiss na rin para sa isa pang "grave offense" sa Antipolo. — may mga ulat mula kina Gaea Katreena Cabico at The STAR/Evelyn Macairan

Show comments