Angkas magbibigay ng libreng sakay kasabay ng LRT-2 partial operations

Tatakbo 'yan mula Santolan station hanggang Recto station sa ruta ng LRT-2, at balikan ito.
Twitter/Angkas

MANILA, Philippines — Makasasakay nang libre ang mga commuter ng Manila Light Rail Transit System Line 2 simula ngayong araw — hindi sa tren ngunit sa mga motorsiklo.

'Yan ay matapos mag-alok ng libreng sakay ang transport service na Angkas ngayong araw kasunod ng pagkasira na dinulot ng sunog malapit sa LRT-2 Katipunan noong nakaraang linggo.

Tatakbo 'yan mula Santolan station hanggang Recto station sa ruta ng LRT-2, at balikan ito.

"Free rides from Recto to Santolan Station (and vice-versa), anyone?" sabi nila sa kanilang tweet.

Ibibigay ang mga biyahe ng ride-hailing app ngayong Martes hanggang Huwebes.

Mag-ooperate ang libreng Angkas mula alas-otso hanggang alas-diyes ng umaga at mula alas-singko ng hapon hanggang alas-siete ng gabi.

Ayon sa Light Rail Transit Authority, 50 motorsiklo ang magmumula sa Santolan habang 50 rin ang manggagaling sa Recto.

Samantala, pinagkatuwaan naman ng ilang netizens ang diumano'y pagsalba ng Angkas sa mga mananakay mula sa kapalpakan ng gobyerno.

"MAINIT NA BALITA: Isinugod sa ospital ang ilang driver ng Angkas matapos pasanin sa kanilang balikat ang kamalian ng pamahalaan," ayon kay @preyfoul sa Inggles.

Una nang sinabi ng LRTA na aabutin ng hanggang siyam na buwan bago muling magamit ang Santolan, Katipunan at Anonas station matapos mangyari ang sunog.

Karaniwang nagseserbisyo ang LRT-2 sa mahigit 200,000 pasahero araw-araw.

Partial operations natuloy na

Samantala, tumatakbo na ang walo sa 11 istasyon ng tren ng LRT-2, mula Cubao hanggang Recto.

"Nakumpleto na ang mga safety checks, at nanumbalik na sa normal ang signaling, telecommunications, power supply systems, tracks at mga tren sa mga nasabing istasyon," sabi ni LRTA administrator Gen. Reynaldo Berroya kagabi.

"Dahil dito, ready na tayong maglingkod mula sa publiko."

Kahapon, matatandaang hindi pinahintulutan ng LRTA ang operasyon ng buong linya ng LRT-2 matapos maapektuhan ng sunog ang kanilang telecommunication system.

Inabisuhan din ni Berroya ang mga commuter na maglaan ng dagdag isang oraas sa kanilang mga biyahe lalo na't nagpapatupad pa raw sila ng speed restrictions.

Limitadong bilang ng mga tren lang din daw ang maitatalaga upang masiguro ang kaligtasan ng lahat bunsod ng limitasyon ng kuryente mula sa nalalabing rectifier substations.

Siksikan naman ang mga istasyon ngayon sa muling pagtakbo nito ngayong araw.

Sa ngayon, tuloy pa rin ang pagtatalaga ng mga point-to-point buses sa Masinag, Emerald at Santolan stations papunta at mula Legarda station.

Naglaan na rin ng 40 modernized public utility vehicles mula Santolan hanggang Legada.

Isang "bus service loop" naman ang magiging available sa Santolan, Katipunan, Anonas at Cubao.

Ang mga PUV at bus ay tatakbo mula 5:30 a.m. hanggang alas-nuebe ng gabi, at maniningil ng P15 mula Santolan hanggang Cubao.

Aabutin naman ng P25 ang sisingilin para sa mga sasakay ng Masinag hanggang Legarda.

Tuloy pa rin ang paghahatid ng libreng sakay ng Metro Manila Development Authority at Philippine Coast Guard mula alas-siete ng umaga hanggang alas-siete ng gabi mula Santolan hanggang Cubao, balikan.

Show comments