MANILA, Philippines — Maaring makasuhan ng economic abuse ang mga misis na mag-oobliga o puwersahang kukuha sa sweldo ng kanilang mga mister.
Nakasaad ito sa House Bill 4888 ni Rizal Rep. Fidel Nograles na aamyenda sa Anti-Violence Against Women and Their Chief Act of 2004 na naglalayong bigyang proteksyon din ang mga kalalakihan laban sa pang-aabuso sa kanila ng kanila mismong asawa o partners.
Bukod sa pisikal at emosyonal na pang-aabuso ay binibigyang karapatan din sa naturang panukala ang mga lalaki sa kanilang sweldo at kung pipilitin itong ibigay nang buo ang kanyang sahod at pagkuha ng ATM card kung nasaan ang sweldo na wala nang maiiwan sa kanyang sarili ay maaari itong magsampa ng kasong economic abuse.
Paliwanag naman ni Nograles na hindi anti-women ang kanyang panukala kundi nagsusulong ng gender equality.
Sa pagpapraktis umano ng kanyang propesyon bilang abogado ay may marital problems siyang nahawakan kung saan sa 100 couples ay may 12 hanggang 15 ang kaso ng naabusong asawang lalaki o male partners.
Iginiit pa ng kongresista na hindi lamang nailalantad ang mga ganitong pang-aabuso sa mga kalalakihan subalit sa oras na maisabatas ang pagbibigay proteksyon sa mga kalalakihan ay tiyak na malalantad din sa publiko na may ganitong realidad.