2 Pinoy patay sa bumagsak na tulay sa Taiwan

MANILA, Philippines – Dalawang Pinoy na kabilang sa tatlong naiulat na nawawala ang kumpirmadong namatay sa pagbagsak ng tulay sa Nanfang-ao, Yilan County sa Taiwan.

Kinilala ang mga ito na sina Andree Abregana Serencio at George Jagmis Impang. Isa pang Pinoy ang nawawala at patuloy na hinahanap.

Kaugnay nito, sinabi ng DOLE na bibigyang ayuda ng pamahalaan ang repatriation ng mga labi ng mga biktima at pagproseso ng mga benepisyo at entitlements para sa kanila.

Si Impang ay isa umanong aktibong miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at lahat ng mga benepisyo ay makukuha ng kanyang pamilya.

Si Serencio naman ay inactive member ng OWWA mula pa noong 2017 kaya’t wala umano itong insurance pero aalamin ang ibang benepis­yong maaaring matanggap nito.

Naunang naiulat na anim na katao kabilang ang tatlong Pinoy ang nawawala matapos bumigay ang tulay sa isang fishing port sa Taiwan kung saan nabagsakan ang ilang fishing vessels sa ilalim nito. Malou Escudero

 

Show comments