Oil deregulation law ipinababasura sa gitna ng biggest price hike ng 2019

Sa ilalim kasi ng Republic Act 8479, hindi nakikialam ang gobyerno sa pagprepresyo, at otomatikong pwedeng magtaas ng singil ang mga kumpanya ng langis.
File

MANILA, Philippines — Sa gitna ng pinakamataas na pagsirit ng presyo ng langis ngayong araw, naglatag ng solusyon ang ilang grupo upang maibsan ang hirap ng mga motorista't consumer — ang pagreregula sa industriya't muling paghawak ng gobyerno sa Petron.

Umabot sa P2.35 kada litro ng gasolina at P1.75 kada litro ng diesel ang itinaas ng Pilipinas Shell Petroleum Crop. at Petro Gazz kaninang alas-sais ng umaga.

Nangyari ang mayor na price increase kasunod ng pag-atake sa dalawang oil facilities ng Saudi Aramco sa Saudi Arabia nitong weekend.

Pero ayon kay Ariel Casilao, national vice chairperson ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura, imbis na gumawa ng paraan ay tila nagiging "media relations" na lang daw ng malalaking kumpanya ang Department of Energy pagdating sa mga pagtataas.

"Dapat tutulan ng taumbayan ang profiteering na ito at itulak ang pagre-repeal sa Oil Deregulation Law," ani Casilao sa Inggles ngayong Martes.

Sa ilalim kasi ng Republic Act 8479, hindi nakikialam ang gobyerno sa pagprepresyo, at otomatikong pwedeng magtaas ng singil ang mga kumpanya ng langis.

"Ang oil price hike ay siguradong magpapataas sa presyo ng basic goods and services, at sa dulo, ang ang mahihirap na manggagawa at magsasaka ang magiging bulnerable rito," dagdag ni Casilao.

Itinutulak ngayon ng mga manufacturers na maitaas ang presyo ng kape, sardinas at noodles ng hanggang P1.50, habang nakatakda namang maglabas ng panibagong listahan ng suggested retail price ang Department of Trade and Industry ngayong araw.

Una nang sinabi ng DOE na tumaas ang Asian crude benchmark ng hanggang $9 kada bariles (nadagdagan ng 14%) sa pagitan ng ika-13 at ika-17 ng Setyembre, ngunit bumaba rin kinalaunan.

"Tumaas ang krudo ng $8 kada bariles sa loob ng tatlong araw matapos ang pag-atake," ayon sa DOE monitoring.

Ito na ang ikalawang sunod na linggo na nagpatupad ng signipikanteng pagtaas.

Kahapon, sinabi nina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat na maaari ring ibasura ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act upang sumalag sa hagupit ng price surge.

Inihain din nila ang House Bill 4711 para i-renational ang Petron, ang HB 244 para i-regula ang downstream oil industry at HB 4712 para gawing sentralisado ang procurement ng petrolyo ng bansa.

"Aabot ng hanggang 95% ng kinakailangang petrolyo ng Pilipinas ay imported, dahilan para maging bulnerable tayo sa dikta ng malalaking transnational corporation," ani Zarate.

Magsisilbi rin daw na "counter point" sa predatory pricing ng ibang kumpanya ng langis ang renationalization ng Petron.

Aksyon ng pamahalaan

Samantala, pinagagana ngayon ng DOE ang isang task force bilang tugon sa problema ng suplay kasunod ng drone attacks sa Saudi Aramco.

Ito ang Oil Contingency Task Force, na naghahanda sa tuwing nagkakaroon ng mga sakuna para sagutin ang madaliang oil supply concerns.

"Mahalaga ang activation mg OCTF dahil nakaasa tayo sa pag-aangkat ng langis," ani Alfonso Cusi, kalihim ng DOE.

Pagdating sa oil prices, tinitignan ngayon ng DOE ang posibilidad ng pagpapabagal ng oil price increase.

Sa kabila nito, sinabi ng mga kumpanya ng petrolyo na mas mababa pa rin ang kasalukuyang pump prices kumpara sa 2018 kahit na ipinatupad na ang 2019 tranche ng TRAIN Law.

"Nagtratrabao 24/7 ang DOE para tugunan ang oil-related concerns dulot ng mga pag-atake sa pinakamalaking oil sources natin sa Middle East," dagdag ni Cusi.

Iminungkahi rin ng kalihim na magtipid ang lahat sa pamamagitan ng carpooling at paggamit ng pampublikong transportasyon.

Show comments