MANILA, Philippines — Nakipagpulong kay Pangulong Duterte sa Malacañang ang Chief ng Chongqing Party at ibang miyembro ng Communist Party of China (CPC).
Personal na tinanggap ni Pangulong Duterte sa Music Room sa Palasyo kamakalawa ng gabi para sa isang “tete-a-tete” sina Chongqing Party Chief Chen Min’er at ang kanyang delegasyon.
Si Chen ay protégé ni Chinese President Xi Jinping at itinuturing na isang rising political star sa China.
Naging secretary si Chen ng Chongqing Party dalawang taon na ang nakararaan at naging bahagi ng 25-member Politburo na siyang top decision-making body ng Communist Party of China.
Ang Chongqing ay isa sa mga nangungunang siyudad ng China at kadalasang pinamumunuan ng party secretary mula sa Chinese Politburo.
Kasamang nagtungo ni Chen sa Malacañang si Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua at marami pang opisyal ng China.