MANILA, Philippines — Posibleng maglabas-masok ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Marilyn sa mga susunod na araw.
Pagewang-gewang kasi ang kilos ng tropical depression na ito batay sa inilabas na forecast positions ng PAGASA.
Linggo ng umaga, tinatayang nasa hangganan ng PAR ang bagyo 1,315 kilometro silangan hilagangsilangan ng Basco Batanes at posibleng lumabas kinahapunan o kinagabihan ng parehong araw.
Gayunpaman, nakikitang babalik ito 700 kilometro hilagangsilangan ng Basco, Batanes sa Miyerkules.
Natagpuan ang sentro ng bagyo 1,045 kilometro silangan ng Basco, Batanes kaninang alas-diyes ng umaga.
May taglay itong lakas na aabot ng 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at busgo ng hangin na aabot sa 70 kilometro kada oras.
"But for now, wala naman po itong any direct effect sa anumang bahagi ng ating landmass, maliban na lamang sa enhanced southwest monsoon, o Habagat," ayon kay Loriedin dela Cruz, weather specialist ng PAGASA.
Hindi pa rin ito nakikitang tatama sa kalupaan sa ngayon.
Mararanasan ang madalas na mahihina hanggang katsamtaman na may paminsan-minsang malalakas na pag-ulan sa:
- Palawan
- Western Visayas
- Zamboanga Peninsula
- Bangsamoro
Minsanang mahina at katamtamang pag-ulan naman na may panaka-nakang malalakas na pagbuhos ang matatamasa sa:
- Metro Manila
- CALABARZON
- Bicol Region
- Northern Mindanao
- SOCCSKSARGEN
- nalalabing bahagi ng Mimaropa
- Visayas