2 convict sa Chiong sisters rape-slay sumuko
MANILA, Philippines — Sumuko na ang dalawa sa tatlong convicted sa 1997 Chiong sisters rape-slay na napalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Kinumpirma ni Department of Justice Undersecretary Deo Marco na naibalik na sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa ang mga convict na sina Ariel Balansag at Alberto Caño na sumuko noong Biyernes ng gabi.
Ito’y matapos ang 15 araw na ultimatum ni Pangulong Duterte sa mga nakalaya sa ilalim ng GCTA.
Ayon naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, inaasahang susuko sa darating na linggo ang pangatlong convict na si Josman Aznar.
Pinalaya sina Balansag, Caño at Aznar sa pamamagitan ng isang memorandum na petsang Agosto 16 at nagsaad na napagsilbihan na nila ang 40 taong sentensiya nila sa retroactive application ng RA No. 10592 at nasertipikahang walang ibang kaso para patuloy na makulong.
Dahil sa RA No. 10592 o expanded good conduct time allowance (GCTA) law, may 2,000 heinous crime convict ang pinalaya mula nang ipatupad ang naturang batas noong 2013.
Sa naturang kontrobersiyal na batas din ang dahilan kaya muntik nang makalaya ang rape-slay convict at dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez. Naudlot ang paglabas niya sa NBP dahil sa galit ng publiko at ng pamilya ng mga biktima niyang sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez.
Ang ina ng magkapatid na Jacqueline at Marijoy Chiong na si Thelma ay naunang nagsabi na ang maagang paglabas ng tatlong convict ay kawalan ng hustisya at nanawagan siya na muling arestuhin ang mga ito.
Kabilang pa sa mga convict sa Chiong rape-slay sina Francisco Juan “Paco” Larrañaga, apo sa tuhod ng pumanaw nang si dating Pangulong Sergio Osmeña Sr.; Rowen Adlawan, James Andrew Uy, at kapatid ni Uy na isang menor de edad nang mangyari ang krimen.
Si Larrañaga na isang Spanish citizen ay nagsisilbi ng kanyang sentensiya sa Spain at patuloy na naggigiit na inosente siya.
Una nang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na ang pagre-release sa Bilibid ng tatlo ay hindi naman pirmado ng sinibak na si Bureau of Corrections Director Nicanor Faeldon kundi isang opisyal na may pangalang “Marquez”.
- Latest