Paglaya ng rapist-killers ng Chiong sisters kinumpirma ng BuCor chief
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Nicanor Faeldon sa pagdinig kahapon sa Senado na nakalaya na ang mga gumahasa at pumatay sa magkapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong ng Cebu.
Sa pagtatanong ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, inamin ni Faeldon ang paglaya nina Josman Aznar, Alberto Caño, at Ariel Balansag – tatlo sa pitong nasentensiyahan sa kontrobersiyal na kaso.
Pero sinabi ni Faeldon na hindi niya maalala na nilagdaan niya ang release orders ng tatlo.
Iprenisenta naman ni Lacson ang dokumento na nilagdaan ni Corrections technical superintendent Maria Fe Marquez.
Iginiit ni Lacson na may nilabag sa batas si Marquez dahil tanging ang BuCor Chief lamang ang maaring lumagda sa mga release orders.
Ang release orders ay may petsang Agosto 16 kung saan nakalagay na nagsilbi na ng 40 taon ang mga sentensiyado dahil sa Republic Act 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Nauna rito, naging malaking isyu ang nasabing batas matapos mapaulat na posibleng mapaaga ang paglaya ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.
- Latest