Faeldon pipigain sa Senado

Binigyang-diin sa subpoena na kailangang sumipot ni Faeldon sa pagdinig kung ayaw nitong magkaroon ng mas mabigat na responsibilidad sa Senado.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Posibleng makulong muli sa Senado si BuCor Director Nicanor Faeldon kapag hindi ito sumipot sa pagdinig ng Senado ngayon kaugnay sa kwestyonableng pagpapalaya sa may 2,000 preso na convicted sa heinous crimes dahil lamang sa Good Conduct TIme Allo­wance (GCTA) law.

Isang subpoena ang nilagdaan ni Senate President Tito Sotto sa kahilingan ni Blue Ribbon chair Sen. Richard Gordon.

Nakatanggap daw kasi ng liham ang komite mula kay Fael­don na nagsasabing hindi raw ito dadalo sa hearing na itinakda ngayong Lunes.

Sa nasabing liham, magpapadala lamang umano si Faeldon ng kinatawan nito, ang legal office chief ng BuCor na si Frederic Antonio Santos.

May dadaluhan daw itong training na sponsored ng Canadian embassy.

Nagalit naman si Sen. Gordon nang mabasa ang sulat ni Faeldon kaya agad nitong inatasan ang kanyang komite na maghanda ng rekomendasyon upang humingi ng subpoena.

Binigyang-diin sa subpoena na kailangang sumipot ni Faeldon sa pagdinig kung ayaw nitong magkaroon ng mas mabigat na responsibilidad sa Senado.

Hihingin din ang panig ni Faeldon kung bakit napasama rito si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez na pangunahing suspek sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta at pagpatay kay Allan Gomez noong 1993.

Sinabi ni Gordon na dapat malaman kung sinu-sino ang mga pinalaya at ano ang sentensiya ng mga ito.

Kung hindi sisipot si Faeldon, mapipilitan si Gordon na ipakulong ito sa Pasay City Jail. 

Pinayuhan din ni Gordon si Faeldon na magpakita ng “good behavior” kapag nakulong na sa Pasay City Jail.

Samantala, hindi lamang si Faeldon ang magigisa sa paglaya ng may 2,000 heinous crime convicts kundi maging si Sen. Ronald dela Rosa na naging BuCor chief din.

Show comments