MANILA, Philippines — Kung si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin ang tatanungin, nais niya na mga babaeng convict lamang ang mabigyan ng “clemency” o mapalaya ng pamahalaan.
Ito ang reaksyon ng kalihim sa kanyang Twitter post ukol sa isyu ng pagpapalaya kay dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez base sa “Good Conduct Time Allowance (GCTA)” na inaprubahan noong 2013.
“F... that. They should all rot in their cells. Only women should get clemency,” ayon kay Locsin.
Kinontra rin ni Locsin ang komento ni Sen. Leila de Lima na nagsabing isang “propaganda blitz” ang isyu kay Sanchez para isulong ang pagpapasa sa batas sa parusang kamatayan.
Iginiit ni Locsin na ang pagpapalutang ng GCTA law ay para pabilisin lang ang pagpapalaya sa dating alkalde na nahatulan ng pitong habambuhay na pagkakulong sa panggagahasa at pagpaslang kay Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong 1993.
“No. It was meant to railroad his release and present a fait accompli,” punto ni Locsin.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi kuwalipikado si Sanchez na mapalaya sa GCTA law dahil sa kinakaharap niyang mga “heinous crimes.”