^

Bansa

Ex-DENR Sec. Gina Lopez pumanaw, binaha ng pakikiramay

James Relativo - Philstar.com
Ex-DENR Sec. Gina Lopez pumanaw, binaha ng pakikiramay
Bagama't nakaaway ang malalaking negosyo ng pagmimina, umani ng malaking suporta si Lopez sa kanyang mga nakatrabaho sa gobyerno at mga kritiko ni Duterte dahil sa kanyang matigas na paninindigan para sa kalikasan.
Presidential Photo/King Rodriguez

MANILA, Philippines — Yumao na sa edad na 65-anyos ang dating kalihim ng Department of Environment and Natural Resources na si Gina Lopez sanhi ng "multiple organ failure," Lunes ng umaga.

Bago nagsilbi sa DENR, naging chairperson si Lopez ng ABS-CBN Foundation Inc. at naging tagapagtatag ng Bantay Bata 163, isang helpline na tumutugon sa mga reklamo ng child abuse.

"Salamat Gina, sa pagpapakita sa amin kung paano mabuhay nang naglilingkod sa mga Pilipino," sabi ng ABS-CBN sa isang pahayag sa Inggles.

Inalala rin ni Mark Lopez, pinsan at chairman ng istasyon, ang pagkawala ng tanyag na environmentalist.

"Sa edad na inaalaman pa lang ng karamihan kung anong nais nilang gawin sa buhay, malinaw na sa kanya ang kanyang hangarin. Iniwan niya ang kumportableng buhay para ialay ang kanyang oras at lakas para maiangat ang buhay ng ibang tao," sabi ni G. Lopez.

Nakidalamhati rin ang Malacañang sa pagpanaw ng dating Environment secretary.

"Labis na nakikiramay ang Palasyo sa pagkawala ng isa sa pinaka-passionate na miyembro ng Gabinete ni Presidente Rodrigo Roa Duterte, na may adbokasiya at legasiyang hindi pa rin napapantayan magpahanggang sa ngayon," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa ulat ng PNA.

"Habang pinararangalan natin ang siya, nananalangin kami sa Panginoon na bigyan siya ng walanghanggang katahimikan."

Bagama't inilagay ni Duterte noon sa DENR, ibinasura ng Commission on Appointments ang kanyang pagkakatalaga.

'Legacy' bilang bantay kalikasan

Naging kontrobersyal ang maiksing panahon ni Lopez bilang secretary nang iutos niya ang pagsasara ng 21 kumpanya ng pagmimina at suspensyon ng pitong large-scale miners Pebrero taong 2017.

Aniya, lumabag daw kasi ang 21 sa 41 mining firms sa environmental standards ng gobyerno.

"Napagdesisyunan naming isara ang anumang operasyon ng pagmimina sa mga gumaganang watershed. Niyayakap ng DENR ang hustisyang panlipunan. Hindi ako tutol sa pagmimina ngunit sa pagdurusa," sabi ni Lopez sa isang press briefing.

Una nang binanatan ng Chamber of Mines of the Philippines ang dating sekretarya dahil sa kanyang "dahan-dahang pagpatay" sa industriyang nagbabayad ng bilyun-bilyong pisong buwis at "bias" laban sa pagmimina.

Pero giit ni Lopez, walang bahid ng pulitika ang kanyang gawain at iniisip lang niya ang makabubuti sa lahat.

Dalamhati ng mga nakatrabaho, Kaliwa

Bagama't nakaaway ang malalaking negosyo ng pagmimina, umani ng malaking suporta si Lopez sa kanyang mga nakatrabaho sa gobyerno at mga kritiko ni Duterte dahil sa kanyang matigas na paninindigan para sa kalikasan.

Ilan na rito ang ilang senador at kinatawan sa Kamara na nagtungo sa social media ngayong umaga.

"Taos-pusong pakikiramay sa lahat ng naulila ng isang natatanging tagapagtanggol ng kalikasan at ng karapatan ng mga bata," pahayag ni Sen. Grace Poe sa Facebook.

 

Ito rin ang kalungkutang ipinaabot ng Bayan Muna party-list sa kanilang pahayag ngayong araw.

"Nawalan ng isang matapang na tagapagtanggol ng kalikasan sa pagkawala ni Gina. Pero we will continue her legacy and continue the struggle for the preservation of the environment," sabi ni House Deputy Minority leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Nakatrabaho ni Zarate si Lopez noong siya'y chair pa ng House Natural Resources Committee habang itinutulak ang People's Mining Bill noong ika-17 Kongreso.

Inalala rin ng grupong Pamalakaya kung paanong sinuportahan ni Lopez ang kanilang panawagan na buwagin ang mga dambuhalang fish pen sa Laguna de Bay upang magbigay oportunidad sa mga maliliit na mangingisda at malabanan ang "polusyong dulot ng big-fishing firms."

"Siya ang pinaka-mahusay na environment chief sa kasaysayan ng Pilipinas, at nanindigan laban sa makapangyarihang minahan nang walang alinlangan," sabi ni Fernando Hicap, national chairperson ng Pamalakaya.

"Wala pa kaming nakita sa administrasyong ito, lalo na sa Environment department, na makapapantay sa kanyang kalibre."

ABS-CBN

CABINET SECRETARY

DEPARTMENT OF ENVIRONMENT AND NATURAL RESOURCES

GINA LOPEZ

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with