Fixed salary sa bus drivers, konduktor
MANILA, Philippines — Inirekomenda ng House Committee on Transportation sa Department of Labor and Employment (DOLE) na ipatupad na ang Department Order 11-82 para sa ‘fixed salary’ ng mga bus drivers pati na mga konduktor.
Sinabi ni committee chairman Rep. Edgar Mary Sarmiento, na kung magkakaroon ng tamang kompensasyon ang mga bus drivers ay maiiwasan nila ang kompitensya sa pagkuha ng maraming pasahero at pagtambay ng matagal ng bus sa EDSA.
Sa kasalukuyan ay boundary basis pa rin umano ang mga bus drivers at kung mabibigyan na ng sahod ay tiyak na mabibigyan na ng magandang serbisyo ang publiko.
Bukod dito, hiniling din ni Sarmiento na i-modernisa ang fare system ng mga Metro Manila bus sa pamamagitan ng e-card system.
Ang paggamit ng e-card system sa bus ay bahagi pa rin ng one-year road map na siyang binubuo ng komite.
Layunin ng e-card system na maging maayos ang revenue collection ng mga bus companies at bawas oras din sa pangongolekta ng bayad sa mga pasahero.
Para naman hindi na gumastos ang mga commuters sa e-card system, iminungkahi ni Sarmiento ang paggamit sa National ID system na gawin na ring machine-readable electronic cards.
- Latest