MANILA, Philippines — Walang madali sa pagtatrabaho upang kumita. At mas lalong hindi ito madali kung gagawin sa ibang bansa, malayo sa pamilya.
Pero para sa milyun-milyon nating mga kababayan abroad, susugal sila kung kinakailangang maitaguyod ang kanilang mga mahal sa buhay. Sa kabila ng pangako ng mas maginhawang buhay, may ilang mapapait na realidad na kaakibat ng pagtatrabaho sa dayuhang bansa.
Baguhan man, beterano, o nagbabalak—lahat ay maraming haharapin kung mag-a-abroad upang magtrabaho.
Alamin ang ilan sa mga hamong kailangan lagpasan ng isang OFW:
1. Pangungulila sa pamilya
Ito marahil ang pangunahing hamon, kaya marapat lamang na nasa tuktok ng listahang ito. Kilala ang pamilyang Pilipino sa pagiging malapit sa isa’t isa, at para mawalay ang isang OFW sa kanyang pamilya ay talaga namang matindi ang emosyonal na epekto.
Mabuti na lamang at napadali na ng teknolohiya ang komunikasyon sa pagitan ng mga OFW at ng kanilang pamilya. Sa pamamagitan ng online messaging at video calls, maiibsan ang pangungulila nila.
Sa pagkakataong magkaiba ang timezones ng mga OFW at ng kanilang pamilya, mainam na magtakda ng oras ng pagtawag sa isa’t isa.
2. Paglaki ng mga anak
Para sa mga pamilyadong OFW, mahirap at nakalulungkot na hindi niya nababantayan ang paglaki ng kanyang mga anak, lalo pa’t absent ito sa mga milestones tulad ng mga birthday, graduation, atbp.
Gayunpaman, kilala ang mga Pilipino sa pagiging maalaga at mapagmahal, kung kaya’at gaano man kalayo ang kanilang mga mahal sa buhay, gagawan nila ito ng paraan upang maiparamdam ang kanilang suporta at pagmamahal.
3. Culture shock
Parte ng pangingibang-bansa ang pagkagulat o dili kaya’y pagkalito sa ilang kagawian ng mga dayuhan sa kanilang bansa. Dala ito ng kaibhan ng kulturang nakasanayan ng OFW sa sariling bansa. Bilang mga “dayo,” sila ay kinakailangang mag-adjust at magbigay respeto sa ibang kultura.
Isang halimbawa din ng pag-a-adjust ay ang paghahanap ng lutong Pilipino. May panlasa naman kasi talaga ang mga Pinoy na hindi mapapantayan ng kahit ano pa mang luto sa iba-ibang bansa.
4. Bagong klima
May mga pagkakataon na ang isang OFW ay nadedestino sa bansang ibang-iba rin ang klima kumpara sa Pilipinas.
Halimbawa ay ang mapadpad sa disyerto, tulad ng mga nasa Middle East kung saan napakainit tuwing araw, o kaya ay mapunta sa mga bansang may winter tulad ng US o Canada. Para sa OFW, isa rin ito sa mga bagay na kailangang makasanayan para magawa niya ng maayos ang kanyang trabaho.
5. Pagkakasakit
Malaki itong abala, lalo na kung mag-isa at walang maaasahang mag-aalaga. Kaya naman dagdag ingat lagi ang OFW upang mapanatili ang tamang kalusugan.
6. Gulo at kalamidad
Katulad ng pagkakasakit, lubhang maabala rin kapag ang isang OFW ay nadadamay sa gulo o kalamidad sa ibang bansa, lalo pa’t hindi naman masasabi kung kalian mangyayari ang mga ito. Marami ring pagkakataong ang kaligtasan ng ating mga kababayang OFW ay nalalagay sa panganib sa mga bansang may banta ng terorismo.
Mga tunay na idolo
Hindi biro ang lahat ng ginagawa ng mga mahal nating OFW—ang bawat pakikipagsapalaran ay laging may kasamang hirap at pagsubok.
Pero para sa ikagaganda ng buhay ng kani-kanilang pamilya, handa silang ituloy ang laban. Maliban dito, malaki rin ang naitutulong ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa, dala ng mga remittances na dumarating.
Sila ang nagsisilbing taga-salba sa atin dahil sila ang nagpapataas ng ating “dollar reserves” na dahilan upang tayo ay hindi agad maapektuhan ng global na krisis pang-ekonomiya.
Kaya naman sila ay tinaguriang mga bagong bayani.
Batid na batid ito ng MoneyGram.
Kamakailan ay inilunsad muli ng MoneyGram ang taunan nitong MoneyGram Idol Awards upang gawaran ng parangal ang piling OFWs para sa kanilang hirap at sakripisyo. Ngayong taon, tinagurian bilang huwarang OFW Idols sina Paul Kristian Alay-ay, Leveliza de Chavez, Ryan Daroy, Helen Esteban, Marlene Fabro, Emily Gabuat, Farouk Omar, at Joel Padoga.
Sila ay napagkalooban ng P30,000 cash prize, libreng ticket pauwi, at libreng accommodation para sa kanya at kanyang pamilya sa Conrad Hotel Manila.
Alamin ang iba pang proyekto at pagkakawanggawa ng MoneyGram sa pagbisita sa kanilang website: http://global.moneygram.com/