Esperon: Laksa-laksang turistang Tsino 'banta sa seguridad'

Ika-23 ng Hulyo nang maibalita sa Palawan News ang pagkuha ng litrato ng ilang Chinese tourists sa loob ng pasilidad ng Philippine Navy.
File

MANILA, Philippines — Nababahala si National Security Adviser Hermogenes Esperon jr. sa biglaang pagdagsa ng malaking bilang ng mga turista mula sa bansang Tsina, sabi niya sa harap ng media Miyerkules ng umaga.

"Kung ako ang tatanungin mo bilang National Security Adviser, I have the tendency to look at it as a threat (kinakailangan kong tignan ito bilang banta sa seguridad)," ani Esperon sa Kapihan sa Manila Bay ngayong araw.

Ika-23 ng Hulyo nang maibalita sa Palawan News ang pagkuha ng litrato ng ilang Chinese tourists sa loob ng pasilidad ng Philippine Navy.

Dagdag pa ni Esperon, na dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, nais niyang makita kung tama ang prosesong ginagawa ng mga ahensyang nag-aasikaso ng pagpasok ng mga dayuhan: "I’m on the cautious side (Nag-iingat lang ako)."

"When foreigners, regardless of nationality, come in, and their intent is not clear, or when some of them are undocumented, or have wrong documentation... meaning some of them would come in as tourists and yet [they] end up as workers," dagdag niya.

(Kapag ang mga banyaga, kahit na ano pa ang nationality, ay pumapasok at hindi klaro ang kanilang intensyon, o kapag hindi dokumentado o mali ang dokumentasyon sa kanila... ibig sabihin 'yung iba pumapasok bilang turista tapos biglang magiging manggagawa.)

Tsinong turista pinakamarami sa 'Pinas

Sa ulat na inilabas ng Department of Tourism noong Hunyo, lumalabas na umabot ng 139,177 Chinese tourists ang pumasok ng Pilipinas nitong Abril — numero uno sa listahan ng mga banyagang dumalaw ng bansa.

'Yan ay 27% na mas mataas sa mga Tsinong pumunta ng Pilipinas sa parehong panahon noong 2018.

"Mayron bang diperensya ang ating immigration officers? Tatanungin ko si [Immigration] Commissioner [Jaime] Morente, dahil sa pagkakaalam ko, napaka-strikto niyan," dagdag ni Esperon.

Ayon sa Bureau of Immigration nitong Pebrero, 74% ng mga inarestong banyaga noong 2018 ay pawang mga Tsino.

Umabot din sa 2,351 foreign nationals, 1,129 mula sa Tsina, ang hinarang ng immigration sa unang anim na buwan ng 2019.

Una nang sinabi ng Department of Labor and Employment na umabot na sa 52,000 Tsino ang pinagkalooban nila ng "alien work permits."

Bagama't umigi ang relasyon ng Pilipinas at Tsina sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte, nasasadlak pa rin sa agawan ng teritoryo ang dalawang bansa sa West Philippine Sea.

Turismo at seguridad

Ayon sa DOT, pumalo sa 662,987 ang kabuuang bilang ng mga international tourist arrivals nitong Abril 2019, na 12.15% pagtaas mula noong nakaraang taon.

Sinundan ang Tsina ng Korea, Estados Unidos, Japan at Australia pagdating sa dami ng mga turistang dumating ng bansa.

Iniugnay naman ito ni DOT Secretary Bernadette Romulo Puyat sa pagpapaigting ng "marketing initiatives" kasama ang pribadong sektor, pag-igi ng connectivity dahil sa mga bagong flights, atbp.

Pero sa kabila ng benepisyong dala ng turismo, ipinaalala ni Esperon na hindi dapat magpasawalang-bahala ang lahat.

"[T]here is always the other side of the coin. We must not let our guard down," dagdag niya.

(Laging may kabilang panig sa kung ano ang nangyayari. Hindi tayo dapat makampante.)

Show comments