MANILA, Philippines — Sa gitna ng nakatakdang "comprehensive review" na gagawin ng United Nations Human Rights Council kaugnay ng mga namamatay sa war on drugs, lumabas ang panibagong datos na nagpipinta ng madilim na estado ng karapatang pantao sa bansa.
Ayon sa ulat na "Enemies of the State?" ng Global Witness, umabot ng 30 ang bilang ng napatay sa Pilipinas dahil sa pakikipaglaban para sa karapatan ng lupa at kalikasan — pinakamatas na bilang sa mundo noong 2018.
"In 2018, the Philippines was the worst affected country in sheer numbers, with 30 deaths, including the massacre on Negros," ayon sa sa report.
(Kung bilang ang pagbabatayan, Pilipinas ang pinakamatinding naapektuhan nito noong 2018 matapos magtamo ng 30 pagkamatay, kabilang dito ang masaker sa Negros.)
Idinetalye rin sa nasabing annual report kung paanong malay na "pinatatahimik" ng mga gobyerno't negosyo sa buong mundo ang mga nakikipaglaban tungkol sa nasabing isyu.
Naungusan ng Pilipinas ang mga sumusunod na bansa pagdating sa mga patayan:
- Colombia - 24
- India - 24
- Brazil - 20
- Guatemala - 16
- Mexico - 14
- Democratic Republic of Congo - 8
- Iran - 6
- Honduras - 4
- Ukraine - 3
- Venezuela - 3
- Cambodia - 3
- Kenya - 2
- Gambia - 2
- Chile - 2
- Pakistan - 1
- Senegal - 1
- South Africa - 1
- Indonesia - 1
Ilan sa mga mayor na kasong pinagtuunan nila ng pansin sa Pilipinas ay ang pagpaslang sa siyam na magsasaka ng tubo sa Sagay City, Negros Occidental noong ika-20 ng Oktubre, 2018.
Ang mga biktima, na pawang mga miyembro ng National Federation of Sugarcane Workers, ay kinabibilangan din ng tatlong kababaihan at dalawang teenager na nag-okupa ng lupa bunsod ng isang land dispute.
Isinalarawan ng Global Witness ang Pilipinas bilang "consistent," o palagiang, nasa listahan kung saan pinakamalala ang patayan.
Ang masaklap pa, tumutulong pa raw sa krimen ang mga taong dapat na pumipigil dito, sabi ng watchdog.
"The Philippines Army, in particular, has been linked to numerous killings of defenders, working in collusion with powerful private interests," dagdag ng Global Witness.
(Ang Hukbong Katihan ng Pilipinas, sa partikular, ay iniuugnay sa kabila't kanang patayan ng mga "defender" na ito, na nakikipagsabwatan din sa mga makapangyarihan at pribadong interes.)
Dagdag ng ulat, 67% ng kabuuang napatay sa Pilipinas noong 2017 ay nagmula sa Mindanao, habang one-third naman ang nangyari doon noong 2018 — lugar na nilaanan ng 1.6 milyong ektarya ng lupa para sa mga industrial plantations.
Kasalukuyang nakasailalim ang buong Mindanao sa martial law kasunod ng pag-atake ng grupong Maute sa Marawi City taong 2017 upang masawata diumano ang terorismo.
Nilagdaan naman ng Palasyo ang Memorandum Order 32 noong ika-22 ng Nobyembre 2018 sa mga probinsya ng Samar, Negros Oriental, Negros Occidental at Bicol upang mapigilan at at gipitin ang "lawless violence."
Pag-'target' sa mga katutubo, aktibista
Dahil sa patuloy na agawan ng lupa at likas-yaman, isa ang mga katutubo, o indigenous people, sa mga naaapektuhan ng karahasan sa bansa.
Aniya, hinayaan ng ganitong sistema ang paghahari ng mga impluwensyal na pamilya't mga negosyo sa malalaking tipak ng lupa.
"This has inevitably led to confrontation with communities who have lived on the land for generations, whose rights to it are routinely ignored," sabi pa ng organisasyon.
(Nagdulot ito ng mga komprontasyon sa mga komunidad na ilang henerasyon nang naninirahan sa mga nasabing lugar, habang hindi pinapansin ang kanilang mga karapatan.)
Matatandaang ipinetisyon ng Department of Justice ang pangalan ni Victoria Tauli-Corpuz, na UN special rapporteur on the rights of indigenous peoples, sa listahan ng mga itinuturing na terorista matapos magsalita laban sa "human rights violations" sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Agad namang tinanggal ang kanyang pangalan sa listahan.
Ayon sa Observatory for the Protection of Human Rights Defenders, nakatanggap din ng mga ulat ang Cagayan Valley chapter ng human rights network na Karapatan na nagpapakalat ng ilang polyeto sa ilang bayan ng Nueva Vizcaya, Isabela at probinsya ng Cagayan habang pinararatangang mga miyembro't recruiter ng New People's Army ang mga lider ng mga community-based organizations doon.
"Clearly the state is failing in its duty to protect its citizens. But given the high risk of abuse, businesses operating in this context also have a heightened responsibility to respect the rights of local people," dagdag ng Global Witness.
(Malinaw na bigo ang gobyerno na protektahan ang kanilang mamamayan. Pero dahil sa dami ng pang-aabuso, tumataas din ang responsibilidad ng mga negosyong pinapatakbo sa lugar na respetuhin ang karapatan ng mga tao.)
Rekomendasyon nila, dapat siguruhin na ligal ang pag-lease sa mga lupain habang kumukuha ng pahintulot sa komunidad na nakatira rito.
Pagpatay batay sa sektor, international human rights
Sa taya ng grupo, pumapatak na tatlong tao ang pinapatay sa mundo linggo-linggo kaugnay ng lupa at kalikasan noong 2018.
Nagtala ng pinakamabilis na pagbulusok pataas ng pagpatay sa bansang Guatemala noon 2018, na tumaas ng limang beses.
Dahil dito, Guatemala ang "deadliest country per capita" pagdating sa land and environment defenders.
Narito ang bilang ng mga pagpaslang batay sa sektor sa buong mundo:
- mining & extractives - 43
- agribusiness - 21
- water & dams - 17
- logging - 13
- poaching - 9
- fishing - 2
- wind power - 1
- iba pa - 7
- walang klarong sektor - 55
Itinuturo naman ang mga "private security groups," mga gobyerno at inuupahang mamamatay tao bilang may kagagawan ng mga ito.
"We all live on the same planet. We are all connected by our shared humanity. We all share a common future that will be defined by what we do to protect our environment. If you agree with this idea, then stand with defenders and support their voices," dagdag ng grupo.
(Nakatira lang tayo sa iisang mundo. Pinagbubuklod tayo ng iisang katauhan. Nagsasalo tayo sa iisang kinabukasan na itatakda ng kung anong gagawin natin sa ating kalikasan. Kung naniniwala kayo rito, makipagtulungan tayo sa mga nakikibaka para suportashan ang kanilang tinig.)