Tindig ni Duterte sa West Philippine Sea noong SONA pinuri sa pahayagang Tsino

Ayon sa kolum ng isang tabloid na ginagabayan ng People's Daily ng Chinese government, kahanga-hanga ang mapayapang asta ni Pangulong Duterte sa kabila ng pagtutol ng ilang Pilipino at mga "instigador" mula sa Estados Unidos sa paggamit ng Tsina sa West Philippine Sea.
AFP/POOL/Mark R. Cristino

MANILA, Philippines — Pinalakpakan sa Chinese media ang ginawang talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes, partikular ang desisyon niyang hayaang mangisda ang mga Tsino sa loob ng exclusive economic zone ng bansa (West Philippine Sea).

Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address, ipinaliwanag kasi ni Duterte kung bakit niya ginawa ito.

"Kaya sinabi ko, 'Let us do this mutually.' Of course, when Xi [Jinping] says, 'I will fish,' who can prevent him?" sabi ng presidente.

"When I said, 'I allowed [them to fish],' that was on the premise that I own the property. Pero hindi tayo in control of the property. Ayan magsabi sila [and mga Tsino], 'Of course, I will allow you.' Kaya pinabalik."

Nangyari raw ang pag-uusap sa pagitan nila ni Xi taong 2016, na una nang binansagang unconstitutional ng mga kritiko.

Bilang tugon, pinapurihan si Digong ng kolumnistang si Li Qingqing sa "Global Times," isang tabloid na ginagabayan ng People's Daily ng Chinese government.

Aniya, kahanga-hanga ang mapayapang asta ng presidente sa kabila ng pagtutol dito ng ilang Pilipino at mga "instigador" mula sa Estados Unidos.

"Why did Duterte persist in acting in a peaceful, cooperative and restrained...? Because Duterte has realized that putting disputes aside and seeking cooperation with China brings most benefits to his country," wika ni Li.

(Bakit mapayapa, nakikipagtulungan at mahinahon si Duterte? Dahil alam niyang makikinabang ang kanyang bansa sa pag-iisang-tabi sa alitan at pakikipagtulungan sa Tsina.)

Pinahuhupa raw ng "cooperative development" sa pagitan ng dalawang bansa ang tensyon sa rehiyon na siyang maghahawan ng panibagong landas sa pakikipagtulungan.

Dagdag pa ni Li, ino-"over-interpret" lang daw ng ibang bansa ang pagkilos ng Tsina sa South China Sea kung kaya't binabansagan silang "bully."

"[I]f these countries really hope for peace and stability in the South China Sea, they should focus on joint development rather than hyping the South China Sea issue and badmouthing China," paliwanag pa sa dyaryo.

(Kung gusto talaga ng mga bansang ito na maging mapayapa ang South China Sea, dapat ay pagtuunan na lang nila ng pansin ang join development kaysa siraan ang Tsina at patiningin ang agawan ng teritoryo sa South China Sea.)

Ang WPS ay matatagpuan din sa loob ng South China Sea.

Matatandaang kinatigan ng Permanent Court of Arbitration ang sovereign rights ng Pilipinas sa EEZ nito sa WPS noong 2016, kontra sa nine-dash line claim ng Tsina.

'Joint development pabor sa Tsina, Pilipinas'

Ngunit ano nga ba ang tinutukoy ni Li na joint development sa pagitan ng dalawang bansa?

Taong 2018 nang maglabas ng joint statement ang Pilipinas at Tsina kung saan sinabi nilang pipigilan nilang pag-initan ang isa't isa sa loob ng nasabing katubigan.

"Both sides agree to exercise self-restraint in the conduct of activities in the South China Sea that would complicate or escalate disputes and affect peace and stability."

Pumirma rin sa 29 kasunduan sina Duterte at Xi, kabilang ang memorandum of understanding sa joint oil and gas development sa WPS.

"For the Philippines, a country that used to rely heavily on oil imports, such a joint development with China in the South China Sea not only eases Manila's pressure of imports, but also reduces its over-reliance on the international energy market," sabi pa ni Li.

(Para sa Pilipinas, na bansang umaasa noon sa pag-aangkat ng langis, hindi lang nito maiibsan ang pressure na mag-import, ngunit mababawasan din nito ang sobrang pag-asa sa pandaigdigang merkado.)

Ang mga ganitong kasunduan daw ay pakikinabangan nang husto ng Pilipinas sa paglaon ng panahon.

"Instead of struggling with disputes, doesn't such win-win cooperation bring greater advantage to both sides?"

(Kaysa magpakahirap sa pakikipag-away, hindi ba't panalo ang magkabilang panig sa ganitong pakikipag-isa?)

Kung totoo raw na hindi marunong magpigil ang Tsina, sana raw ay matagal na nitong ginamit ang lakas-militar nito upang agawin ang mga islang okupado ng ibang bansa.

Sa ngayon, hawak ng Tsina ang "big three" islands sa Spratly Islands na inaangkin ng Pilipinas, kabilang dito ang Fiery Cross Reef, Mischief Reef at Subi Reef.

Una nang naiulat na nilagyan na ito ng missile systems ng Tsina.

Show comments