MANILA, Philippines — Nasayang ba ang pera mo matapos hindi magamit ang prepaid load na nag-expire na lang? 'Yan ang gustong solusyonan ng isang senador sa panukalang kanyang inihain.
Sa inihaing Senate Bill 365 ni Sen. Sherwin Gatchalian, nais niyang ipatanggal ang expiration period sa lahat ng prepaid load credits ng mga telecommunications services.
Saklaw ng panukala ang mga load na nabili sa pamamagitan ng prepaid card o electronic load.
"Every peso spent by the consumer to purchase prepaid load credits must be usable until fully consumed," sabi ni Gatchalian sa isang pahayag Huwebes.
(Dapat magamit ang bawat pisong binili ng mamimili hanggang tuluyan itong maubos.)
Kilala rin sa pangalang Prepaid Load Forever Act of 2019, ipagbabawal din ang biglaang pagkawala, o forefeiture, ng load credits sa anumang aktibong prepaid account.
Ipagbabawal din ang hindi pagre-refund ng load na nawala nang walang balidong kadahilanan.
Kaiba sa ibang kahalintulad na panukala, sakop nito ang lahat ng prepaid load credits, hindi lang ng ginagamit sa pagtawag at text.
Kasama rin dito ang load na ginagamit sa mga:
- tablet
- wifi-dongle
- mobile hotspot
- load na inilipat/ipinasa sa iba
Inaasahan ni Gatchalian na makikinabang ang 142,432,163 prepaid subcribers mula rito — na bumubuo sa 96.6% ng kabuuang mobile subscribers sa bansa sa unang kwarto ng 2019.
Sa kasalukuyan, isang taon ang validity ng prepaid load credits ng mga public telecommunications entities at information and communications technology na may P300 pataas na denomination simula ika-5 ng Enero, 2018.
Alinsunod ito sa Joint Memorandum Circular 05-12-2017 ng National Telecommunications Commussion, Department of Information and Communications Technology at Department of Trade and Industry.
Ang mga prepaid load na binili para sa mga promo at iba pang mga serbisyong may espisipikong haba at gamit ay hindi saklaw ng circular.
Nitong Pebrero, matatandaang pinirmahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang "Mobile Number Portability Act," na magpapanatili sa numero ng mga mobile users kahit magpalit ng mobile service providers.