MANILA, Philippines — Siniguro ng Malacañang na si Pangulong Duterte ang kauna-unahang susunod sa nilagdaan niyang Bawal Bastos Law.
“President Duterte ‘will be the first one to obey’ the Bawal Bastos or Safe Spaces Act penalizing wolf whistling, catcalling, other forms of sexual harassment,” sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Ayon kay Panelo, hindi bastos ang Pangulo bagkus ay may respeto sa kababaihan.
Ipinagtanggol pa ni Panelo ang Pangulo sa mga lead jokes nito kung saan ay sinabing nais lamang nitong patawanin ang kanyang audience.
“Crime is personal to the offender. Never siyang nambastos sa partikular na tao,” dagdag pa ni Panelo.
Magugunita na hinikayat ang Pangulo ng may-akda ng Bawal Bastos Law na si Sen. Rissa Hontiveros na sundin ang batas na siya mismo ang pumirma.
Ang Republic Act 11313 o “Safe Streets and Public Places Act” na kilala rin sa tawag na “Bawal Bastos” Law ay nilagdaan ng Pangulo noong Abril 17.
Ang lalabag ay maaaring patawan ng community service ng hanggang 12 oras hanggang aresto menor o 11-30 araw na pagkabilanggo.
Kabilang dito ang pagmumura, pagsutsot o pagsipol, paulit-ulit na sexual jokes, paggamit ng sexual names, offensive body gestures, pagpapakita ng pribadong parte ng katawan, stalking at iba pang uri ng pambabastos. (Malou Escudero)