MANILA, Philippines — Nagdeklara kahapon ng national dengue alert ang Department of Health dahil sa nairekord na kaso nito na 106,630 bilang mula Enero hanggang Hunyo 29 ng taong kasalukuyan. Mas mataas ito nang 85% kaysa kahalintulad na mga buwan ng taong 2018.
Ginawa ni Health Secretary Francisco Duque III ang pahayag sa isang pulong-balitaan kasama ng mga opisyal ng DOH at ng World Health Organization.
Ito ang unang pagkakataon na nagdeklara ng isang national dengue alert ang DOH.
Sinabi rin ng DOH na 456 tao ang namatay dahil sa dengue ngayong taong 2019 at marami sa mga ito ay mga bata na may edad mula lima hanggang siyam na taong gulang.
Idinagdag ni Duque na binuhay na rin ang code blue sa pakikipag-ugnayan sa National Disaster Risk Reduction and Management Office.
Idineklara rin ng mga opisyal ng DOH na merong epidemya ng dengue sa Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas at Northern Mindanao.
Nasa alert threshold ang ilang lugar tulad ng Ilocos, Cagayan Valley, Calabarzon, Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at Cordillera Administrative Region.
Nabatid sa DOH na tumataas ang mga kaso ng dengue tuwing ikatlo hanggang ikaapat na taon.
Ipinayo ng DOH na, para makaiwas sa dengue, hanapin at wasakin ang mga breeding site ng mga lamok, magsagawa ng pangangalaga sa sarili, magpatingin nang maaga sa duktor at pumayag sa selective fogging.
Sinabi ng mga health official na mahalagang magpagamot kapag merong lumabas na sintomas ng dengue tulad ng lagnat na tumagal nang mahigit dalawang araw, matinding pananakit ng mga kasu-kasuan at kalamnan, pamamantal ng balat, pagdurugo, sobrang pagod, at pagkahilo.