MANILA, Philippines — Nakatakdang sumirit ang presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng kape, gatas at iba pa makaraang aprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang price increase nito ngayong second quarter ng taon.
Sa inilabas na listahan ng suggested retail price (SRP), umakyat ang presyo ng siyam na brand ng gatas, kabilang ang kondensada at ebaporada ng mula P.50 sentimos hanggang P2.00.
Isang brand naman ng 3-in-1 na kape ang tumaas ang presyo ng P1 kada pakete habang ang patis ay umakyat mula P.50 hanggang P.85 kada pakete.
Naglalaro ngayon ang presyo ng isang lata ng sardinas mula P16-P17.25, kape na 50 grams mula P37.50-P37.40, 3-in-1 coffee mula P4.10-P7.85, corned beef 150 gramo mula P18.50-P32 depende sa brand, at suka na 350ml mula P10.40-P14.70.
Ikinatwiran ng DTI na ang pag-apruba sa bagong taas presyo ay dahil umano sa pagtaas rin ng presyo ng mga raw materials at production costs ng mga manufacturers.
Noong 2018 pa nagpetisyon ang mga manufacturers sa pagtataas sa presyo ng pangunahing bilihin na hinati-hati ng DTI sa kada quarter ng taon para hindi mabigla ang mga konsyumer.
Hindi naman ito pinalagpas ng consumer group na Laban Konsyumer na kinuwestiyon ang desisyon ng ahensya lalo na’t tumaas rin umano ang inflation rate ng bansa nitong Mayo.
Pinagsabihan naman ng DTI ang mga pamilihan at tindahan na sundin ang inilabas nilang SRP ngayong Hunyo upang hindi mapatawan ng parusa dulot ng overpricing.