MANILA, Philippines — Hindi ikinatuwa ng grupo ng mga guro ang pagtutol ng pribadong sektor sa panawagang agarang taasan ang sweldo ng mga guro sa pampublikong sektor, bagay na ipinangako na ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hiling ngayon ng Alliance of Concerned Teachers ang P30,000 sweldo para sa mga Teacher I, P31,000 para sa mga Instructor I at P16,000 sweldo para sa Salary Grade 1 na government empployees.
Kaiba sa gusto ng ACT, nananawagan naman ng P10,000 kada buwang umento ang grupong Teachers' Dignity Coalition.
"Muli, ang panawagan ng ACT, ipantay na sa mga sweldo ng pulis at sundalo ang sahod ng mga guro… It will cost approximately as much as what was given to uniformed personnel (Kahalintulad nito ng inilabas na pera para sa mga unipormadong kawani)," sabi ni ACT Rep. Antonio Tinio sa isang press conference Huwebes.
Miyerkules nang maglabas ng pahayag ang Action for Economic Reforms, Financial Executives Institute of the Philippines, Foundation for Economic Freedom, Makati Business Club, Management Association of the Philippines at Philippine Business for Education na suportado nila ang pagbibigay ng karagdagang P10,000 sa mga guro ngunit sa paraang dahan-dahan.
Apela ng mga business groups, natatakot sila na magsilipatan sa mga pampublikong paaralan ang mga private teachers kung mangyayari ito agad-agad.
Sa ngayon daw kasi, mas mataas na ng 71% ang sweldo ng mga entry-level public teachers kumpara sa mga nakukuha ng mga nasa pribado.
"Raising the disparity in pay between public and private school teachers would further fuel the migration of private school teachers to public schools and exert financial pressures on private schools whose tuition fees are regulated by government," sabi ng mga grupo sa isang joint statement.
(Kapag lalo nating inilayo ang kita ng mga nagtuturo sa magkabilang sektor, lalo lang mapabibilis ang paglipat ng mga nasa pribado sa pampubliko at magbibigay ng karagdagang bagahe sa mga pribadong paaralan na nireregula ng gobyerno sa pamamagitan ng matrikula.)
Pero hindi naman umubra ang linyahan ng mga grupo kina Tinio.
Aniya, madalas daw na mas mataas ang sweldo ng mga baguhang guro sa public sector dahil kalimitang kontraktwal ang mga kinukuhang entry-level private school teachers.
Apela ng ACT, huwag itong gamiting palusot para itaas ang bayad sa mga guro.
"Kung gugustuhin lang ng administration at ni Pangulong [Rodrigo] Duterte ay kayang ipatupad sa kagyat ang substantial na salary increase para sa mga guro kaya muli natin ididiin ito lalo pa’t binubuo na ng DBM [Department of Budget and Management] ang budget para sa [2020]," sabi ni Tinio.
Miyerkules noong nakaraang linggo, sinabi ni Duterte na prayoridad niya ngayong itaas ang sweldo ng mga guro matapos doblehin ang bayad sa mga sundalo at pulis.
"We're working on it like what I have promised. But remember that there are millions of teachers," sabi ni Digong sa isang talumpati sa Cagayan de Oro City.
(Tinatrabaho na namin ito tulad ng aking ipinangako. Pero alalahanin niyo na milyun-milyon ang mga guri.
Matatandaang sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na aabot sa 800,000 ang empleyado ng departamento, kabilang ang mga non-teaching staff.