MANILA, Philippines — “Binangga kami ng Chinese. Pagkabangga sa’min akala namin tutulungan kami, ‘yun pala tatakasan kami.”
Ito ang iginiit kahapon ng kapitan ng Phl fishing vessel na si F/B GEMVIR1 Captain Junel Insigne.
Ayon kay Insigne, isang banggaan ang nangyaring insidente sa Recto Bank at ang bumangga sa kanila na Chinese vessel ay nagpatay ng mga ilaw bago sila iniwan ng mga ito.
“Naka-anchor lang po kami, nakapahinga. Mga alas-dose ng gabi. Marami pong ilaw,” wika niya.
Sa kuwento ng mga mangingisda ay tulog sila sa loob ng bangka ng sagasaan sila ng Chinese vessel hanggang sa lumubog pero hindi sila sinaklolohan ng mga Intsik bagkus ay iniwan sa laot.
Sinabi ni Insigne na nakita ng mga nakasakay sa Chinese ship na lumulubog ang bangkang Pilipino.
“Umikot muna sila, binalikan kami, sinindi yung maraming ilaw, nung nakita kaming lubog na, pinatay yung ilaw ulit bago umatras bago tumakbo palayo.”
Nasagip naman ang mga mangingisdang Pinoy kinabukasan ng may dumaang Vietnamese fishing vesel.
“Kung wala dun yung Vietnam, baka mamatay na kaming lahat,” sabi ni Insigne.
Iginiit naman ng Malacañang na maliwanag na paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang ginawang pag-abandona ng mga Chinese crew sa 22 Pinoy fishermen.
“The act happened in the high seas. We’re angry at the act of abandonment. It’s in violation of UNCLOS,” wika ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
“You don’t even need an international provision on that. It’s a human act of lending a hand to somebody in distress,” dagdag pa ni Panelo.
Naghain na ng diplomatic protest ang DFA laban sa China.
Siniguro naman ng Chinese embassy na iimbestigahan nila ang insidente at parurusahan sakaling Chinese nationals ang sangkot sa insidente.
“Kung totoo na ginawa yan ng Chinese fishing boat, bibigyan sila ng edukasyon at parurusahan sa iresponsable nilang gawain,” sabi ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jian Huang.
Sinabi naman ni Chinese foreign ministry spokesman Geng Shuang na isa lang iyong ordinaryong maritime accident at nagbabala siya laban sa iresponsableng pamumulitika sa banggaan.