MANILA, Philippines — Pumayag ang tatlong korte na makalabas pansamantala ng kulungan ng tatlong oras si Senator Leila De Lima bukas (Linggo, Hunyo 16) ng tanghali.
Sinabi ito kahapon ni Atty. Filibon Tacardon, isa sa mga abogado ni De Lima, na nagsabing pumayag sa hiling na furlough ng kanyang kliyente ang Quezon City Regional Trial Court at dalawang Muntinlupa RTC na may hawak ng mga kaso laban sa senador.
Hiningi ni De Lima na makalabas ng kulungan para makadalo siya sa thanksgiving dinner ng kanyang anak na nakapasa sa nakalipas na bar examinations.
Mula alas-12:00 ng tanghali hanggang alas-3:00 ng hapon ang ibinigay na furlough kay Senador De Lima at labis ang pasasalamat nito.
Ayon kay Tacardon, ang pasasalamat ng mambabatas ay mayroong siyang pagkakataon na muling makasama ang anak
Sinabi pa ng abogado ni De Lima, gaganapin sa Club Filipino ang pribadong pagtitipon bilang pasasalamat sa pagkakapasa ng anak sa Bar exam.
Magiging private ang pagtitipon ng pamilya sa kanilang pagkikita ng anak ng senadora.