MANILA, Philippines — Mahigit isang buwan bago pumili ng bagong Speaker ng Kamara, mas nais ng isang beteranong kongresista ang bago at batang lider sa Mababang Kapulungan.
Ayon kay Buhay Party-list Rep. Lito Atienza, boboto siya ng bago at may potential sa speakership race sa labanan para sa House leadership.
“In the choice for Speaker, I choose a new name. I want a new name, I want a younger Speaker, I want somebody with potential,” dagdag ng kongresista.
Paliwanag ng kongresista, ang sambayanan ay naghihintay sa resulta ng eleksyon maging local o national dahil nais nila ng bagong mukha at bagong solusyon sa patuloy na problema bansa.
Kaya naniniwala si Atienza na ang mga bagong halal na miyembro ng 18th Congress ay boboto sa mas batang speaker.
“Otherwise, year in, year out, decades here and decades there, where are we? We’re nowhere. We’re moving backwards. We have to move forward,” ayon pa sa kanya.
Magugunita na noong Martes ay sinabi ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Rep. Jericho Nograles na ang partylist bloc ay namimili na lamang sa pagitan nina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at Leyte Rep. Martin Romualdez pagdating sa posisyon na Speaker.
Sinabi ni Nograles na naniniwala ang partylist congressmen na sina Velasco at Romualdez lamang ang seryoso sa nasabing posisyon.
Bukod kay Velasco at Romualdez, interesado rin sa nasabing posisyon sina Rep. Pantaleon Alvarez ng Davao del Norte, Rep. Alan Peter Cayetano ng Taguig City at Rep. Aurelio Gonzales ng Pampanga.