Bilang bayani
MANILA, Philippines — Nanghihinayang si Caloocan City Rep. Edgar Erice na hindi lumusot sa Kamara ang panukalang batas na nagdedeklara kina Jose Rizal at Andres Bonifacio bilang mga pambansang bayani.
Ang House Bill 2762 ay inihain ni Erice na naglalayong tugunan ang umano’y pagpapabaya at kawalan ng aksyon ng gobyerno tungkol sa isyu ng pambansang bayani.
Subalit hindi man lang umabot ang panukala sa committee level.
Ayon sa kongresista, nakalulungkot na hanggang ngayon ay hindi maituturing na pambansang bayani sina Rizal at Bonifacio kung teknikal o legal ang pag-uusapan.
Ito lamang umano ang paraan para suklian ang kabayanihan at sakripisyo nina Rizal at Bonifacio para pagsumikapang mapalaya ang Pilipinas mula sa mga mananakop.
Ipinagtataka pa ng kongresista na bagama’t may mga panukala sa Mababang Kapulungan para matigil na ang debate tulad ng pagdedeklara sa waling-waling bilang pambansang bulaklak at ang balangay bilang pambansang bangka ay hindi man lang naisip isama ang sinuman kina Rizal at Bonifacio.