Kasama ang ibang pyramiding scams
MANILA, Philippines — Inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpasara sa Kapa-Community Ministry International at iba pang pyramiding investment scams na nangangako ng malaking kita sa loob ng maikling panahon.
Sa panayam ni Pastor Apollo Quiboloy, kinalampag ng Pangulo ang Criminal Investigation and Detection Group at ang National Bureau of Investigation tungkol sa Kapa-Community.
Ayon sa Pangulo maaring kasuhan ng “syndicated estafa” ang mga nasa likod ng scam.
Ipinaalala rin ng Pangulo na kapag ang isang bagay ay “good to be true,” malamang ay lokohan ito.
Inihalimbawa ng Pangulo ang mga nangangako na ang P100,000 ay tutubo ng P30,000 sa isang buwan samantalang ang bangko ay umaabot lamang sa 3 percent ang tubo.
Idinagdag ng Pangulo na ilang beses na niyang pinaalalahanan ang mga mamamayan na huwag maniniwala kapag pinangakuan ng hindi makatotohanan.
Sinabi pa ng Pangulo na hindi siya maaring sisihin na hindi siya nagpaalala tungkol sa mga pyramiding scam.