MANILA, Philippines – Hiniling ni Pangulong Duterte sa Commission on Audit (COA) na huwag nitong ipakulong ang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) dahil sa P5 milyong pondo ng Marawi rehabilitation na ginamit para sa Hajj trip ng ilang mga residente ng Marawi City.
Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Duterte sa mensahe nito sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr sa Davao City kamakalawa ng gabi.
Ayon sa Pangulo, kapag ipinakulong ng COA si HUDCC chief Eduardo del Rosario ay parang siya na rin ang ipinakulong ng COA gayundin ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na baka maging ugat ng panibagong rebolusyon sa Mindanao.
“So ngayon, sabihin ko kay COA, ‘wag mo’ng presuhin ‘yang si Del Rosario. Kasi kung presuhin mo, pati ako mademanda. Pati si Inday. Pag nademanda ang anak ko pati ako, ma-preso ako, mag-revolt kami uli dito sa Mindanao. Kayo ang bahala,” paliwanag pa ng Pangulo.
Nauna rito, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na dapat magpaliwanag ang HUDCC sa posibleng kaharapin nitong technical malversation sa paggamit sa P5 milyong pondo ng Marawi fund para sa ilang residente ng Marawi na nagtungo sa Mecca para sa Hajj pilgrimage noong 2018.
“I’m asking COA to reconsider. Ano ba naman ‘yang P5 million? Actually ‘yang P5 million is worth billions in terms of your kind, I said generosity, to finance the poor people, (the poor) Muslim para makapag-Hajj,” dagdag pa ni Duterte.
“It’s not (about) financing a religious journey; do not take it in that sense. Take it as a pacification campaign. After all natives naman tayo dito and we were subjugated,” giit pa ng Pangulo kasabay ang pagdedepensa na isang mahalagang aktibidad sa mga Muslim ang Hajj pilgrimage.