Kahit mainit sa Metro Manila, QC nakaranas ng pag-ulan ng yelo

MANILA, Philippines — Bumulaga sa social media ang iba't ibang paskil patungkol sa biglaang pag-ulan ng yelo sa Lungsod ng Quezon ngayong hapon.

Sa video na ipinaskil ng isang Rafael Antonio Dulce sa Facebook, makikita kung paanong pinaulanan ng matitigas na "hailstone" ang ilang bubungan sa Kamaynilaan.

"IT’S RAINING MARBLE-SIZED ICE HERE (Taken at around 3.45 PM today, Brgy. Tandang Sora, QC)," sabi ng post.

(Umuulan ng yelo rito na sinlaki ng holen. Kuha bandang 3:45 p.m. ngayong araw sa Barangay Tandang Sora, Quezon City.)

Nangyari ito bagama't mainit ang panahon sa maraming bahagi ng Metro Manila.

Sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration-Department of Science and Technology, nasa 26°C hanggang 36°C ang naranasan ng Kamaynilaan sa pangkabuuan ngayong Lunes.

 

Ngunit ano nga ba ang "hail" at bakit ito nangyayari sa mga bansang tropikal gaya ng Pilipinas?

Ayon sa Pagasa, ang hail ay yelo na bumabagsak galing sa isang severe thunderstorm.

"Nabubuo ang hail kapag masyadong mainit ang isang lugar na magdudulot ng pagtaas ng mga water vapor na maaring lumagpas sa tinatawag na freezing level (0 °C) kung saan ang mga water vapor ay pwedeng magfreeze at maging isang yelo," paliwanag ng Pagasa.

"Kapag marami nang yelo na sa itaas ng isang thunderstorm clouds, ito ay bumabagsak sa lupa bilang hail."

Ang mga naturang tipak ng yelo ay bumabagsak sa bilis na mahigit 100 kilometro kada oras. — James Relativo

Show comments